Abante Tonite Interactive

Rizal Gov. Ynares nag-alok ng pabuya sa pinatay na kapitan

922

Nag-alok ng P100,000 pabuya si Rizal Governor Nini Ynares sa sinumang makakapagbigay impormasyon sa ikadarakip ng mga pumatay kay Kapitan Danilo ‘Danny’ Laceste ng Brgy. Pintong Bukawe, San Mateo, Rizal.

Ayon sa spot report ng Antipolo City Police Station, si Kapitan Danny Laceste ay sakay ng isang government-issued service vehicle na kulay asul na Toyota Tamaraw FX na may plakang SEU-948 noong Huwebes, Mayo 10, 2018. Pauwi na sana sa kanilang bahay sa may Pintong Bukawe, San Mateo si Laceste nang biglang may sumulpot diumano na riding-in-tandem mula sa kanyang likuran at siya ay pinagbabaril na tumama sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Patuloy ang pagtugis ng mga pulis sa mga suspek na nakasuot diumano ng ref­lectorized vest habang lulan ng itim o pulang motorsiklo. Hanggang ngayon ay hindi pa rin alam ang motibo sa likod ng krimeng ito.

Nagpahayag naman si Governor Ynares ng mensahe ng pakikiramay sa mga naulila ng napatay na kapitan.

“Tayo po sa pamahalaang panglalawigan ng Rizal ay nalulungkot sa sinapit ng ating kasamahan sa paglilingkod bayan­ na si Kapitan Laceste. Kami po ay umaa­pila sa mga nakasaksi at mga makakapagturo ng pagkakakilanlan ng mga gumawa ng krimen upang maki­pagtulungan nang sa gayon ay makamit ng kanyang pamilya ang hustisya,” pahayag ng gobernadora.