Abante Tonite Interactive

RJ Abarrientos gold sa FIBA 3×3

By
577

Hindi man nakapasok sa semifinals ng FIBA 3×3 U-23 World Cup ang Pilipinas, may iuuwi pa ring gintong medalya si RJ Abarrientos matapos manalo sa ginanap na Shoot-Out contest sa Xi’an China kahapon.

Tinalo ni Abarrientos sina Aleksandr Antonikovskii ng Russia na pumangalawa at si Laura Zdravevska ng Germany na pumangatlo.

Kasama ni Abarrientos sina Ricci Rivero, Jeepy Faundo at Rhayyan Amsali sa unang edisyon ng torneo. Si Ronnie Magsanoc ang nagsilbing head coach ng koponan.

Natapos nila ang pool-round na 2-2 ang kartada. Dumating ang kanilang pinakamalaking panalo matapos nilang maisahan ang China, 21-15, noong Biyernes, Oktubre 5.

Pumangatlo sa standings ang Pilipinas kaya hindi nakapasok sa semifinals bracket ng nasabing torneo.

Si RJ ay pamangkin ni PBA legend Johnny Abarrientos.