Abante Tonite Interactive

Road closure, traffic rerouting sa Pista ng Sto. Niño ipatutupad

287

Magkakaroon ng mga road closure at traffic rerouting ang Manila Police District-Traffic Enforcement Unit (TEU) ngayong araw ng Sabado at bukas (Linggo), araw ng Kapistahan ng Sto. Niño para bigyang-daan ang mga parada at prusisyon na idaraos sa naturang relihiyosong okasyon.

Nakasaad sa dalawang traffic advisory na inisyu ng MPD-TEU, alas-11:00 nang umaga, nga­yon (Enero 18) ay pansamantala nilang isasara ang mga kalsada ng Jesus/Nagtahan, East Zamora/Pres. Quirino, P.Gil/Carreon, at Beata/Laura para sa pagdaraos ng Buling-Buling Fiesta 2020.

Nabatid na ang ruta umano ng naturang parada ay magsisimula sa Sto. Niño Parish Church (Patio)-Teodoro San Luis, Hilom, Narciso, Jesus, Industria, Hilim, Labores at pabalik sa Sto. Niño Patio.

Isasara rin ang ilang apektadong kalsada ng MPD-TEU para sa Lakbayaw Festival na idaraos alas-8:00 nang umaga at sa Grand Procession para sa Sto. Niño na sisimulan naman ng alas-4:00 nang madaling-araw sa Linggo, Enero 19.

Nabatid sa MPD-TEU, ang ruta ng Lakbayaw Festival ay magsisimula sa simbahan ng Sto. Niño patungong Ylaya Street, kanan ng CM Recto Avenue, kanan sa Asuncion Street, kaliwa sa Lakandula Street, kanan sa Wagas Street, kanan sa Moriones Street, kaliwa sa Juan Luna Street, U-turn sa Pritil, kanan sa Herbosa Street, kanan sa Velasquez Street, kaliwa sa Ugbo Street, kaliwa sa F. Varona Street, kaliwa sa Perla Street, kanan sa Franco Street, tawid sa Moriones Street hanggang J. Nolasco Street hanggang sa makabalik sa simbahan.

Sa kasagsagan ng aktibidad, magpapatupad ang MPD-TEU ng traffic rerouting scheme upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.

Sinabi naman ng MDTEU na ang Carreon Street kanto ng Tomas Claudio ay isasailalim sa ‘Stop and Go’ traffic situation sa buong panahon ng Buling-Buling Festival habang ang aktuwal na pagsasara at pagbubukas ng mga apektadong lansangan para sa tatlong aktibidad ay ibabase nila sa aktuwal na kondisyon ng trapiko. (Juliet de Loza-Cudia)