Abante Tonite Interactive

Robert Andrew Obligacion Garcia

HARI NG PH SQUASH!

1,391

Isa sa may iilang hindi matatawarang rekord na national athlete ang miyembro ng Philippine squash team na si Robert Andrew Obligacion Garcia.

May 10 taon o 1 dekada ng national men’s singles squash champion at PH No. 1 squash male player mula 2008 hanggang 2018 si Garcia, 32 (sinilang noong Abril 15, 1986), tubong Santa Ana, Manila, may taas na 5-foot-9, at nakapag-aral ng Associate in Computer Technology.

Umiidolo ng Egyptian players ang pangalawa sa panganay sa apat na supling nina Ruel at Andrea Garcia. Marunong rin siyang mag-basketball, lawn tennis at badminton.

“Lahat po ng nakuha kong achievements ay dahil sa Phili­ppine Squash Academy, lalo na sa boss namin na si Robert Bachmann, 10 years na po akong National champion at no. 1 Pinoy squasher,” ani Garcia, isa sa mga dumalo kamakailan sa ABANTE Sportalakan Web TV nina hosts Sarah Jireh Asido at ng manunulat na ito sa Makati City.
Natuklasan ang kanyang talento sa isang squash clinic sa Manila Boat Club.

” Isa sa mga ispesyal ay nu’ng tinalo namin ‘yung pinakamalakas sa Asia sa team event. At siyempre ‘yung nakuha kong ginto sa Southeast Asian Cup nu’ng Mayo sa Bandung, Indonesia.”

q&a
Abante: Kamusta na ang pinakamaga­ling na men’s professional squash player ng Pilipinas na si Robert Andrew Garcia?
Garcia: Mabuti naman po, 2018 is a very successful year for me.

Abante: Napakaraming sports, bakit squash ang napili mong laruin?
Garcia: Hindi ko din po alam. Pero bigla ko na lang nagustuhan ito dahil hindi lang siya basta pampalakasang laro. Gumagamit ito ng bilis, mental and endurance. Sobrang unique ng sports na ‘to.

Abante: Ano ba ang pangarap mo?
Garcia: Pangarap ko maging isa sa mga top player sa buong mundo.

Abante: Sa mga international at national competition mong napanalunan, ano ang pinakaispesyal sa iyo?
Garcia: Isa sa mga ispesyal ay nu’ng tinalo namin ‘yung pinakamalakas sa Asia sa team event. At siyempre ‘yung nakuha kong ginto sa Southeast Asian Cup nu’ng Mayo sa Bandung, Indonesia.

Abante: Mensahe mo sa kabataan na nais ding ma­ging Robert Andrew O. Garcia pagdating ng araw?
Garcia: Sa mga batang gustong sumunod sa akin, i-enjoy n’yo lang ang training at bawat laro. Siguradong mananalo kayo sa bawat laban.