Abante Tonite Interactive

Robina Farms-Gokongwei nasa ASF zone

0 130

Nanganganib na tamaan ng African Swine Fever ang Robina Farms ng mga Gokongwei dahil da­lawa sa mga farm nito ay nasa lugar na tinamaan na ng sakit sa mga baboy.

Ayon sa Follow Up report No. 2 ng Pilipinas sa OIE o World Animal Health Organization na isinumite noong November 4, tinamaan na ng ASF ang bayan ng Bustos sa Bulacan kung saan matatagpuan ang satellite farm ng Robina Farms.

Nauna nang tinamaan ng ASF ang Antipolo sa Rizal kung saan may fee­der farm ang Robina Farms. Ang feeder farm ay kung saan inaalagaan ang mga biik bago ito dalhin sa sa­tellite farm para patabain at palakihin bago kata­yin. Ang isa pang feeder farm ng Robina ay nasa San Miguel, Bulacan na wala pa namang outbreak ng ASF.

Ang pinakamalaking satellite farm ng Robina Farms ay ‘yung nasa Bustos, Bulacan at ito ay may kapasidad na mag-alaga ng 50,000 baboy. Nasa Brgy. Malamig ang satellite farm na siyang tinukoy ng Department of Agriculture (DA) na tinamaan ng ASF.

Maliit na bayan ang Bustos at ito ay may 14 na barangay na sumasakop ng 70-square kilometers.

Sa ilalim ng 1-7-10 protocol ng DA, lahat ng baboy na nasa loob ng 1-kilometer radius ay dapat na isailalim sa ‘culled’ o katayin kasabay ng pagpapasara ng piggery.

Samantala, kailangang ma-contain naman ang galaw ng lahat ng baboy sa loob ng 7-kilometer radius ng lugar na may outbreak.

Ang nasabing 7-kilometer area ay isasailalim sa quarantine zone kung saan isasagawa ang random testing sa ASF sa mga farm na nasa lugar.

Papa­yagan lamang ang ‘movement’ ng mga baboy sa quarantine zone hanggang sa infected zone. Ang 10-kilometer radius sa lugar na may outbreak ay tatawa­ging ‘control zone’ o ‘surveillance zone’ kung saan kaila­ngang sumailalim sa pagsusuri ang lahat ng baboy.

Sa isang statement, sinabi ng Robina Farms na ang mga babuyan at facilities nito, pati na ang kanilang mga produkto, ay ligtas at walang ASF. Sinabi rin nito na sarili nitong baboy ang ginagamit nito para sa kanilang processed meats tulad ng tocino, bacon at longganisa ay ASF free. (Eileen Mencias)