Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Robinsons Handyman tiklop sa mga worker

0 232

Wagi ang mga nagwelgang miyembro ng Handyman/True Value/Robinsons Builders Empowered Union (HANEP-SUPER-BMP) sa apat na araw nilang pagpipiket sa tanggapan kompanya ng mga Gokongwei sa Marikina City.

Ayon sa Solidarity of Unions in the Philippines for Empowerment and Reforms, nagkaroon na ng kasunduan ang management at ang unyon ng Handyman na rerespetuhin ng management ang ‘status quo’ habang pinoproseso ang kaso ng regularisasyon sa National Labor Relations Commission.

Sabi ng SUPER, ititigil ang malawakang tanggalan sa Handyman, ibabalik ang mga tinanggal sa payroll ng kompanya, at hahayaan ang unyon habang hinihintay ang resulta ng kaso.

“Malaking tagumpay ang pagbigo sa mga pagtatangkang wasakin ang unyon,” sabi ng SUPER.

Nobyembre 26 nag-umpisa ang welga sa Handyman matapos tanggalin sa trabaho ang 11 empleyado.

Ayon kay Rodel Andes na 14 na taon nang nagtatrabaho sa Handyman, nasa 150 hanggang 170 sa kanila ang naka-endo at 25 lamang ang regular doon.

Sabi ni Andes, parang linta ang mga manpower agency na kumikita sa pag-eendo ng mga manggagawa na sinisipsip lamang ang kanilang kita.

Dagdag niya, ultimo uniporme sa trabaho ay sinisingil sa kanila ng manpower agency. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.