Abante Tonite Interactive

Robredo: Obligasyon nating ipaglaban ang ating teritoryo

By
1,694

Iginiit ni Vice President Leni Robredo na kailangang mas pagtibayin ng pamahalaan ang paninindigan para sa ating mga teritoryo, dahil apektado dito lahat ng mga Filipino.

Ang apela ay ginawa ni VP Leni sa kanyang talumpati sa isang forum sa University of the Philippines-Diliman nitong Lunes dahil sa mga kaganapan sa West Philippine Sea.

Muli ring idiniin ni Robredo na kailangang mas pagtibayin ng pamahalaan ang paninindigan para sa pinag-aagawang mga teritoryo.

“Hindi lamang tungkol sa mga lipon ng mga maliliit na isla at pulo ang mga kaganapan sa West Philippine Sea.
Simbolo ito ng ating higit na matimbang na laban para sa sobe­ranya ng ating bayan, para sa kapakanan ng bawat Pilipino ngayon at sa mga susunod na he­nerasyon,” ani Robredo, isang araw bago niya pangunahan ang pagdiriwang ng ika-120 na Araw ng Kalayaan sa Luneta, Maynila, kahapon.

Binigyang-diin pa ni Robredo na hindi dapat masilaw ang samba­yanan sa diumano’y pangako ng China na tulungan ang ekonomiya ng bansa.

Dapat din aniyang dalhin ng pamahalaan sa tamang forum ang isyu, sa pamamagitan ng paghahain ng diplomatic protest at pagkilala sa desisyon ng Internatio­nal Arbitration Court sa The Hague noong 2016, na pumabor sa Pilipinas.

“Simple lang naman ito: Ang atin ay atin. Obligasyon nating pangalagaan ang ating teritoryo, pati na ang kapakanan ng lahat na nakatira dito. Hindi ito basta-bastang isinusuko o binibigay sa iba dahil lamang kinakatakutan natin sila. Kapag hina­yaan nating yurakan ang karapatan ng ating mga kababayan, at nailagay sa peligro ang ating lupang sinilangan, binibigo natin ang bawat Pilipinong umaasa sa atin,” dagdag pa niya.

Idinagdag pa ni Robredo na natataon sa Araw ng Kalayaan ang mga panawagan na makilahok at makialam ang sambayanan sa isyung ito.