Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Robredo umarangkada sa presidential survey

0 135

Umakyat na sa mga presidential survey si Vice President Leni Robredo habang nalalapit ang halalan na gaganapin sa Mayo 2022.

Base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Oktubre, umangat na sa pangalawang puwesto si Robredo matapos na makakuha ng 18%.

Isinagawa ang pinakabagong SWS survey noong Oktubre 20 hanggang 23, dalawang linggo matapos ianunsyo ni Robredo na sasabak siya sa presidential elections.

Malaking pag-angat ang nakita para kay Robredo, kumpara sa mga isinagawang survey sa mga nagdaang buwan kaugnay ng mga tinitingnang kakandidato sa pagka-pangulo.

Samantala, bagama’t kinikilala niya na maaga pa sa laban, tinuturing ni Robredo na “napakagandang balita” ang pag-angat ng kanyang survey ratings.

Ayon kay Robredo, ito’y “hindi natin inaaasahan” dahil sa loob ng limang taon ng tapat at matinong panunungkulan ay pangunahin na siyang target ng fake news at kasinungalingan.

Mula nang pormal na maghain si Robredo ng kandidatura, umarangkada na ang suporta mula sa taumbayan, online man o sa totoong buhay.

Maliban sa pagsabog ng pink sa social media, nakita rin ang iba’t ibang paraan at gimik mula sa mga volunteers at supporters niya katulad ng mga lugawan at iba pang outreach initiatives, hanggang sa pagdidisenyo at pagpapa-imprenta ng kani-kanyang t-shirt at iba pang campaign materials.

Nakita rin ni Robredo ang init ng suporta ng taumbayan sa kanyang pagdalaw sa mga probinsya mula sa iba’t ibang bahagi ng Bicol hanggang sa Negros Occidental, Misamis Oriental, Bukidnon, Lanao del Sur, Cebu, Nueva Ecija, Tarlac at Batangas.

Dumadami na rin ang mga lokal na opisyal na lumalabas upang magpahayag ng suporta sa kanya. Kasama na rito sina Cagayan de Oro Mayor Oscar Moreno, Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Iloilo Province Governor Arthur Defensor Jr.

Lubos ang pagpapasalamat ni Robredo sa lahat ng mga tumitindig at nagtitiwala sa kanya. Patuloy rin ang kanyang pag-iikot sa ngayon upang pasalamatan ang mga supporter at volunteers.

Leave A Reply

Your email address will not be published.