Abante Tonite Interactive

Robredo, US tandem sa drug war

203

Nakipagpulong si Vice President Leni Robredo sa mga opisyal ng Estados Unidos kung saan isa sa mga natalakay ay kung paano magkakatulungan ang dalawang bansa para sa kampanya laban sa iligal na droga.

Nakadalo sa pulong na ipinatawag ni Robredo ay mga kinatawan mula sa US Federal Bureau of Investigation, Drug Enforcement Agency, Department of State at United States Agency for International Development.

Ayon kay Robredo, naging komprehensibo ang ibinigay nilang briefing sa US officials kung saan nagbahagi naman ng kanilang mga programa para sa Pilipinas ang mga opisyal para sa drug campaign.

“Ipinahiwatig nila ang kanilang buong suporta at kooperasyon sa ating kampanya laban sa illegal drugs at bilang kaibigan ng Pilipinas ay gagawin nila ang lahat para tayo ay magtagumpay sa laban na ito,” pahayag ni Robredo.

Aminado si Robredo na matagal na ang ugna­yan ng kanyang opisina sa US Embassy kung saan nagtutulungan sila sa iba’t ibang proyekto kaya naman nagpapasalamat ito at agad na nakipagkita sa kanya ang mga opisyal ng US matapos itong maitalaga bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD)

Samantala, sa isang statement ng US Embassy sinabi nito na alinsunod sa naging pakiusap ni Robredo ay nakahanda silang tumulong sa kampanya sa iligal na droga sa bansa.

“Upon request of Vice President Leni Robredo, an interagency US government­working-level delegation comprised of officers from the United States Federal Bureau of Investigations, Drug Enforcement Agency, the Department of State and US Agency for International Development briefed on the current state of US-Philippines counter-narco­tics cooperation, and on ongoing and potential US government funded programs to assist the Philippine government efforts in drug demand reduction,” nakasaad sa statement ng US Embassy.

Una nang sinabi ni Robredo na ang pakikipagpulong nito sa mga US official ay para malaman kung ano ang maitutulong ng Amerika lalo sa aspeto ng intelligence at information sharing para masakote ang mga drug lord. (Tina Mendoza)