Abante Tonite Interactive

‘Rockstar Isko’ pinilahan ng mga ambassador

836

Naging ‘hot item’ ngayon si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso para sa mga ambassador mula sa iba’t ibang bansa.

Ito ay matapos ang sunod-sunod na pagbisita kay Moreno ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa matapos ang mga repormang ipinatupad nito sa Lungsod ng Maynila sa loob lamang ng dalawang linggo nitong panunungkulan.

Nitong Hulyo 17, binisita ni British Ambassador to the Philippines Daniel Pruce si Moreno para alukin ng tulong sa urban planning ng lungsod.

Sa talumpati sa harap ng mga mi­yembro ng Rotary Club of Manila, sinabi ng alkalde na ‘done deal’ na ang usapan nila ni Pruce.

Sinabi ni Moreno na masaya siya dahil napakamahal umano ng mga bagay na inaalok ng British envoy at kapag nagkataon ay napakalaking tulong ng mga ito sa mga Manilenyo.

Nitong nakalipas na linggo ay nakapulong din ni Moreno si US Ambassador Sung Kim sa US Embassy at napag-usapan ang mga plano ng alkalde para sa lungsod.

Pinuri ni Kim si Moreno at tinawag pa itong ‘total rockstar.’

Kahapon, bumisita naman sa Manila City Hall si Panamanian Ambassador at Consul General Rolando Alvarado.

Habang si Japanese Ambassador Koji Haneda naman ay humiling ng pulong kay Moreno sa Lunes, Hulyo 22.

Pinasalamatan naman ni Moreno ang mga foreign diplomat sa kanilang mga alok na tulong sa Maynila. (Juliet de Loza-Cudia)