Abante Tonite Interactive

Romeo ‘di na basagulero

394

Anim na taong hinabol ni Terrence Romeo ang puwesto sa PBA Finals, pero mailap.

Sa kanyang stints sa GlobalPort at TNT, bigo si Romeo na makarating sa kampeonato. Sabihin pang tatlong beses siyang naging scoring champion.

Nitong offseason, nai-trade ng KaTropa si Romeo San Miguel at sa opening tournament niyang Philippine Cup, biyaheng championship round agad ang eksplosibong guard.

Unang tikim sa Finals, naging instrumento pa si Romeo sa rampa ng Beermen sa semifinals kontra top seed Phoenix.

Inaasahan ng teammates na lalo pang gaganda ang laro ni Romeo sa kampeonato.

Hahabulin ng Beermen ang panlimang sunod na all-Filipino crown laban sa Magnolia umpisa sa Miyekoles sa Smart Araneta Coliseum.

“Mas malamang tataas pa ‘yun kompiyansa niya at isa ‘yun sa magpapalakas sa San Miguel,” wika ni Arwind Santos sa guard na kapwa niya galing FEU.
“Si Terrence ‘pag tumaas kompiyansa, mas mahirap kami talunin, makikita n’yo,” dagdag ni Santos.

Nabawasan na rin daw ang sobrang angas ni Romeo sa laro, minsan ay napagkakamalan siyang mayabang.

“Sobrang proud kami sa kanya kasi nandun na ‘yung maturity niya,” wika ni June Mar Fajar­do. “Hindi na siya ‘yung dati na parang nakiki­pag-away siya.
“Ngayon marunong na siya na parang ‘di na masyado pumapatol sa away.”

Isa si Romeo sa mga sasagupa sa guards ng Hotshots na sina Marc Barroca, Jio Jalalon at Paul Lee.

Off the bench ni coach Leo Austria si Romeo, pero kapag tinawag ay laging may kontribusyon. (Vladi Eduarte)