Abante Tonite Interactive

Rondina pass muna sa beach volleyball

0 305

Nakikipagbanatan pa sa Season 81 University Athletic Association of the Philippines women’s indoor volleyball finals kaya ‘di makakapalo si Cherry Ann Rondina para depensahan ang kanyang korona sa 7th Philippine Superliga 2019 Beach Volleyball Challenge Cup.

Magsisimula ang hatawan ngayong araw sa Capitol Beach Front sa Lingayen, Pangasinan na walang Rondina na papalo para sa two-time champion Petron kaya makakasama ni Bernadeth Pons si Floremel Rodriguez.

Malupit din na volleybelle si Rodriguez, minsan na ring nag-reyna sa Cebu Schools Athletic Foundation, Inc. nang nasa Southwestern University pa.
Tiyak na mapapalaban ang Blaze Spikers sa mahigpit na karibal na F2 Logistics at Generika-Ayala A. Kasali rin ang PDT Home Fibr A, UVC A at Sta. Lucia Splendido.

Ibabarada ng Cargo Movers sina Michelle Morente at Fritz Gallenero habang sina Patty Orendain at Fiola Ceballos ang pambato ng Lifesavers.

Pamato naman ng PLDT Home Fibr A si former National Collegiate Athletic Association Most Valuable Player Grethcel Soltones at Shola Alvarez.

Kasama rin sa 15-team women’s field ay ang Pangasinan Teams A at B, Cignal Teams A at B, Sta. Lucia Aquamira, PLDT Home Fibr B, Petron-UST, Generika-Ayala B at UVC B.

Sa men’s side, makikilatis ang Philippine Army at Philippine National Police laban sa Pangasinan, Cignal, Volleyball Never Stops, Emilio Aguinaldo College, Perpetual at Foton.

Magkakaroon naman ng celebrity match sa pagitan ng Team Rachel ni Rachel Anne Daquis at Team Amanda ni Amanda Villanueva, ikakasa ito bago ang finals sa May 18. (Elech Dawa)