Abante Tonite Interactive

Rondina, Pons tinalbos ang HK pair

282

Swak sa quarterfinals sina Cherry Anne Rondina at Bernadeth Pons matapos nilang kalusin sina Au Yeung Wai Yan at Koo Yung Yung, 21-17, 21-18, ng Hong Kong sa 2019 Rebisco Beach Volleyball International Open kahapon sa Sands SM By The Bay.

Pumalo si Pons ng panelyong kill sa second frame upang tulungan si Rondina at kumpletuhin ang three-game sweep sa Pool A.

Naunang pinulbos nina Southeast Asian Games-bound Rondina at Pons sina Kasem Bundit University of Thailand 2 netters Paweena Wong-Aksorn at Duanpen Arsa, 21-10, 21-9.

Wala rin mantsa ang karta na isa pang Philippine team sa SEA Games na sina Dij Rodriguez at Dzi Gervacio, hinataw nila ang 21-18, 21-16 panalo laban sa New Zealand pair Renei Ursem at Olivia MacDonald.

Madali ring tinalbos nina Rodriguez at Gervacio sina DM Demontaño at Jackie Estoquia ng Sta. Lucia, 21-7, 21-9, Biyernes ng gabi kaya nasa tuktok sila ng Pool B.

Nanguna naman sina Philippine top men’s player­ Edmar Bonono at Jude Garcia sa Pool A matapos nilang payukuin sina Hong Kong spiker Kam Lung Chui at United States netter Brian Nordberg, 21-16, 22-20.

Malinis sina Bonono at Garcia sa dalawang laro at umabante sila sa quarters sa event na suportado ng Rebisco, Liberty Insu­rance, Glorious Blend at Globe Telecom. (Elech Dawa)