Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ronnie, Loisa dedmahan sa taping

0 167

ROLDAN CASTROMapapaibig si Ronnie Alonte sa multo ni Loisa Andalio sa pinakabagong teleseryeng puno ng kilig na “Love in 40 Days” na mapapanood simula Mayo 28 sa iWantTFC at Mayo 30 naman sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live, at TV5.

Ibinahagi ng real life couple sa special screening at mediacon na naging challenging ang kanilang pagganap sa kauna-unahang teleseryeng pagbibidahan nila.

“Nakakataba ng puso pero kinakabahan pa rin. May pressure pa rin. Medyo nahirapan lang ako kasi ‘yung role ko dito, hindi talaga siya bida eh, may pagka-kontrabida rin siya,” sabi ni Loisa.

“Naging mahirap talaga sa amin kasi sa totoong buhay, kami talaga. So ‘yung acting namin na kailangan hindi kami, na hindi maramdaman ng tao na kami talaga, mahirap. Hindi kami nagpansinan sa set para mas maganda ‘yung atake namin,” dagdag ni Ronnie.

Gagampanan ni Loisa si Jane, isang ambisyosang insurance agent na walang ibang inatupag kung ‘di kumita ng pera simula noong tumayo siyang pangawalang magulang ng kapatid niyang si Monmon (Josh De Guzman).

Sa kabila ng kanyang mga tagumpay sa trabaho, isang trahedya ang sasapit kay Jane nang mamatay siya sa isang aksidente. Magiging multo si Jane at mapupunta siya sa Evergreen Mansion – isang lugar kung saan ginagabayan ang mga multo bago sila tuluyang tumawid sa kabilang buhay.

Dito magku-krus ang landas nina Jane at Edward (Ronnie), isang mayamang bandista na mula sa pamilyang nagmamay-ari ng pinakasikat na funeral homes sa bansa. Dahil sa third eye ni Edward, nakikita at nakakausap niya si Jane na parang normal na tao at wala siyang kamalay-malay na multo pala ito.

Mauuwi pa ba sa totoong pagmamahalan sina Jane at Edward? Malalaman pa kaya ni Jane ang dahilan ng kanyang pagkamatay?

Ang “Love in 40 Days” ay mula sa direksyon nina Manny Palo at Jojo Saguin. Pinagbibidahan din ito nina William Lorenzo, Leo Martinez, Lotlot de Leon, Zabel Lamberth, Janice de Belen, Ana Abad Santos, Ahron Villena, Maria Isabel Lopez, Renshi De Guzman, Trina Legaspi, Raven Molina, Chie Filomeno, Benedix Ramos, Vaughn Piczon, Kobie Brown, at Andi Abaya.

Magsisimula ang “Love in 40 Days” sa Mayo 28 sa iWantTFC app at website, at sa Mayo 30 naman ng 10 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment.

Leave A Reply

Your email address will not be published.