Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Rosebud suki mga Chinese sa bakuna slot for sale

0 140

Ni Nancy Carvajal

Dinakma sa entrapment operation ang dating state witness na si Mary Rose Ong alyas `Rosebud’ kasama ang kanyang kapatid at dalawang iba pa dahil sa pagbebenta umano ng Astrazeneca vaccination slot sa mga Chinese national sa Pasay City.

Nabatid na sinampahan na ng NBI ng mga kaso si Mary Rose, ang kanyang kapatid na si Peter Ong na taga-Kawit, Cavite; Warlito Dabuet Mabanan ng Pasay City; at Ferdinand Madrid Malabo, isang barangay secretary sa nasabing lungsod.

Ayon sa NBI, nasakote sina Ong sa isang entrapment operation na ikinasa noong Biyernes.

Base sa anim na pahinang referral letter na inihain sa Department of Justice (DOJ), sinabi ni NBI Officer-in-Charge Eric Distor na kanilang inirekomenda ang pagsasampa ng mga kasong estafa at paglabag sa Republic Act 11032 (Ease of Doing Business Act) at RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) laban sa apat na suspek.

Nagpakilala kasi umano ang mga suspek bilang “responsible officers in the dispensation of vaccinations for a fee” na otorisadong tumanggap ng kabayaran at mag-facilitate ng pagbabakuna.

Nauna umano rito ay isang reklamo ang inihain sa NBI Special Action Unit ng mga Chinese national na sina James Christian Sucgang at Sam Lo noong Hulyo 15, 2021.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa reklamo umano nina Sucgang at Lo ay isang grupo, sa pamumuno ng isang Paul, ang nagbebenta umano ng vaccination slot sa Pasay.

Bagama’t hindi pa sila puwedeng maturukan ng bakuna dahil hindi pa sila kasama sa priority group ay sinabi umano ni Paul na puwede itong makakuha ng AstraZeneca vaccionation slot sa Pasay City para sa kanila sa halagang P7,000.

Kinontak umano uli ni Paul si Sucgang noong Hulyo 22 at kinumpirma na may schedule na sila para mabakunahan.

Bukod sa dalawang Chinese, may iba pa umano silang kababayan na sakay ng convoy patungo sa covered court kung saan naroon ang vaccination site sa Barangay 190, Pasay City.

Hiningi pa umano ng isa nilang escort ang napagkasunduang bayad na P63,000 bago sila dinakma ng mga awtoridad.

Kinilala ang lalaking tumanggap ng pera na si Peter Ong habang ang babaeng kasama nito na bumaba mula sa isang pulang sasakyan ay sinasabing si Mary Rose Ong.

Si Mabanan umano ang sumalubong at naghatid sa mga Chinese sa vaccination site habang si Mabalo ang umalalay sa kanila para mabakunahan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.