Abante Tonite Interactive

Rower Caballero, iba pa asam mag-Olympics

243

Tapos ng gold medal finish sa 30th Southeast Asian Games PH 2019, nasa radar naman ngayon ng Philippine Rowing Association (PRA) ang 32nd Summer Olympic Games 2020 sa Tokyo, Japan.

Ito ang siniwalat ni newly-elected PRA president John Patrick Gregorio Martes nang tanghali sa weekly Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Amelie Hotel-Manila sa Jorge Bocobo, Malate.

“Kung papalarin, baka makakuha pa tayo ng isa pang qualifier para sa Tokyo Olympics,” ayon sa dating secretary general ng Philippine Olympic Committee sa talakayang mga hatid ng San Miguel Corp., Braska Restaurant, Amelie Hotel at Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Malaki ang tiwala ng rowing prexy kina 2019 SEA Games gold medalists Joanie Delgaco, Melcah Jen Caballero at Chris Nievarez na sasabak rin sa nalalapit na Asia and Oceania Qualification Tournament sa Chungji, South Korea sa Abril 27-29.

Dinagdag niyang kakapang-apat na puwesto lang din nina Delgaco at Caballero sa lightweight women’s double sculls (LW2x) huling Asian Rowing Championships bukod pa sa pumangwalo sa World Rowing Championships.

Nasa okasyon din sina national coaches Con Fornea at Edgardo Maerina at bagong halal ding deputy secgen at treasurer Magnum Membrere. (Aivan Denzel Episcope)