Abante Tonite Interactive

Roxas bet ng Simbahang Katolika

371

Nagpasalamat si Otso Diretso senatorial candidate Mar Roxas sa suportang ibinigay sa kanya ng Simbahang Katolika para sa idaraos na halalan sa Lunes.

Kabilang si Roxas sa inilabas na listahan ng “Top 10 Best Senatorial Candidates” ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), batay sa apat na pamantayan nito sa pagpili ng mga sinuportahang kandidato.

Kabilang sa mga pamantayan ng CBCP ay ang mga sumusunod: “1. Character and honor 2. Competence and abilities 3. Faithfulness to public service at 4. Faithfulness to God, the Constitution and the laws”.

“Malaking karangalan para sa akin na mapasama sa listahan ng Catholic Church bilang isa sa 10 Best Senatorial Candidates. Mabigat ang kanilang mga batayan sa pagpili. At ang simbahan na mismo ang nagsasabing walang katotohanan ang mga maling bintang sa akin. Taos-puso akong nagpapasalamat, kasama ang aking pamilya. Kasabay nito ang dasal na magkaisa ang sambayanang Pilipino para sa One Good Vote,” pahayag ni Roxas.

Batay sa inilabas na listahan ng mga senatorial candidate ng CBCP ay hininimok nito ang lahat ng kanilang mga miyembro na aktibong ikampanya at iboto ang mga naturang kandidato na maninindigan para sa mga prinsipyo ng isang Kristiyano.

Ang 10 kandidato ay mula sa listahan ng “People’s Choice Movement”, isang organisasyon ng 130 lay Christian leader.