Abante Tonite Interactive

Roxas dumepensa: Katapatan ko nasa mga Pilipino

271

Tahasang sinabi ni dating Senador at tinaguriang Mr. Palengke na si Mar Roxas na ang kanyang katapatan ay nasa mamamayang Pilipino.

Sa paglilibot ni Roxas sa supermarket sa Iloilo City, sinabi nito na walang katotohanan ang sinabi ni Pangulong Duterte na wala umano siyang prinsipyo at katapatan sa Pilipinas.

“Ang katapatan ko ay nasa Pilipino at sa bansa. Kung kinakailangan akong tumulong, tutulong ako,” ani Roxas.

Paliwanag ni Roxas, naging gabinete siya ni dating Pangulo Joseph Estrada bilang DTI secretary at siya ang nagtatag ng mga call center habang natulungan naman niya ang mga magsasaka na harangin ang pagpasok ng mga agricultural pro­duct mula Europa noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.

Ipinagmalaki rin ni Roxas na unti-unti rin niyang nabubuo noon ang Cheaper Medicine Law.

Pinangasiwaan naman niya ang Bottom-Up-Budgeting noon panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kung saan ang mismong residente ng lungsod at mga lalawigan ang siyang maglalahad ng kanilang mga gastusin.

Dinagdag pa ni Roxas na kung nais na tumulong ng isang tao, maaari niya itong gawin sa paraan na kanyang nalalaman subalit mas kailangan pa rin ang tulong ng kanilang kapwa.

Sinabi ni Pangulong Duterte na “just because you are a namesake of Roxas doesn’t mean you are good. This person has no loyalty, without principles.”