Abante Tonite Interactive

Roxas nagpasaring kay Enrile: Kinasuhan ng plunder i-ban sa gobyerno

541

Hindi pinalampas ni da­ting Senador Mar Roxas ang pahayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile na dapat umanong habambuhay na silang i-disqualify ni Senador Leila de Lima sa paghawak ng puwesto sa gobyerno.

Sinisisi kasi ni Enrile sina Roxas at De Lima sa naga­nap na katiwalian sa pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) dahil sa binalangkas na Implementing Rules and Regulations (IRR).

Nakasaad kasi sa Republic Act No. 10592 na trabaho ng mga kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagbalangkas sa IRR ng GCTA.

Si Roxas ang kalihim ng DILG at si De Lima naman ang nakaupo sa DOJ nang gawin ang IRR sa GCTA Law.

Sinagot ni Roxas sa kanyang tweet ang ipinahayag ni Enrile at sinabing ang dapat aniyang makulong ay iyong mga may kasong plunder.

Si Enrile ay nahaharap sa kasong plunder kaugnay ng pork barrel scam.

Pansamantala itong nakayala matapos payagan ng Supreme Court na magpiyansa noong 2015 dahil sa kanyang mahinang kalusugan at katandaan.