Abante Tonite Interactive

RR pasiklab agad sa Phoenix

0 234

Para kay Phoenix import Eugene Phelps ang dinisenyong huling play ni coach Louie Alas sa final 7 seconds ng laro kontra Rain or Shine Miyerkoles ng gabi sa Cuneta Astrodome.

Pero na-double si Phelps, nakita agad na mag-isang naiwan sa harap ng basket si RR Garcia.

Pinitik ng bagong dating na guard ang bola at naligtasan ng Fuel Masters ang makulit na Elasto Painters 86-84.

“That’s for Eugene and RR,” ani Alas tapos kubrahin ng Phoenix ang 2-4 card sa PBA Governors Cup.

Nagsimula kay Alex Mallari sa inbounds, binigay kay Phelps na akmang aatake pero dumating ang help defense ng Painters.

“Eugene and RR. Actually si RR pa-pop out lang, eh. Eh hindi na nakarating si Eugene para umi-screen. Good look si Alex, talagang intensiyon niya is to hit Eugene. Si Eugene naman kanina, willing passer.”

Bumawi sa winning basket si Garcia, dahil 10 seconds bago ‘yun ay sablay ang dalawang free throws niya na nagbigay sana sa Phoenix ng four-point lead.

“Nakabawi naman ako, kasi … kung na-shoot ko ‘yung free throws ko, hindi na aabot sa ganu’n (down-the-wire). Kaya pasensiya na,” ani Garcia, tumapos ng 14 points mula 6 of 13 shooting.

Bago nagsimula ang season-ending conference ay dinampot ng Fuel Masters mula free agency si Garcia. Kahit siyam na buwang natengga ang guard mula FEU, ‘di nawala ang kumpiyansa sa kanya ni Alas.

Tapos ng sablay na charities, nilabas ni Alas si Garcia at kinausap.

“Sabi nga ni coach sa akin kanina, kumpiyansa lang. Sinuklian ko lang. Masaya naman ako na nakabalik ako, sana tuloy-tuloy na,” panapos niya. (VE)