Abante Tonite Interactive

Rufa Mae, subsob sa negosyo habang buntis

By
39

SA Pebrero 24 na pala ang due date ni Rufa Mae Quinto sa panganay nila ng mister na si Trevor Magallanes.

Dito raw sa ‘Pinas siya manganganak.

Bale 34 weeks na ang ipinagbubuntis ni P-chi (paboritong tawag sa comedienne) at gusto niya, 39 weeks na ang bata sa kanyang sinapupunan bago siya manganak.

“Puwede rin kasing 38 weeks, pero mas maganda kung 39 weeks. Normal delivery pa rin naman, kaya puwedeng before or after February 24 manganak,” kuwento ni P-chi nang makatsikahan namin kahapon.

Medyo naiinip na siya na walang ganap sa kanyang showbiz career, kaya habang kabuntisan, nagnenegosyo siya.

‘Yung online shop niya na @rufamaecloset ay very active raw.

“Alam n’yo naman na favorite ko talaga ang bags, mga damit, shoes at kung ano-ano pa, kaya ‘yung plano ko noon na online shop, itinuloy ko na.

“Very active ‘yung online ko. Bale may mga gamit ako na ibinebenta ko na roon, may mga bago rin at may mga pinabebenta lang.

Rufa Mae Quinto
Rufa Mae Quinto

“Aliw naman. At least, may ginagawa ako. Alam n’yo naman na businesswoman talaga ang peg ko noon pa, kaya sa nervous ko na malapit na akong manganak, bale nababawasan ‘yon dahil sa online shop ko.

“Then, busy-busy rin sa pagluluto dahil nakahiligan ko ang pagluluto, kaya magbubukas na rin ako ng café with matching boutique sa may Kamu­ning.

“Kino-construct na ‘yung lugar at by April or May, okey na siya. Magbubukas na kami.

“Bale big compound siya at may carwash din. May iba pang mga negosyo na pag-aari naman ng friends, siblings and cousins ko. Bale may uupa na sa ibang mga puwesto.

“Dahil wala rin akong ginagawa, balak ko na pasukin din ang pagpa-farming, pero baka hindi na ako ‘yung tututok talaga roon.

“Meron pa rin naman akong build and sell. Nagbi-build ako ng townhouses at ibinebenta.

“Bale kapag nakapa­nganak na ako, aasikasuhin ko pa rin ‘yon,” kuwento ng comedienne.

Sa ngayon, in transition period ang mister niyang si Trevor at dahil lumipat na ito ng ­‘Pinas from the USA, nasa stocks muna ito.

Financial analyst ang kanyang mister.
May iba rin na mga business na balak pasukin si Trevor.

Pero bakit hindi na lang siya sa Amerika ­tumira at doon na rin manganak?
“Ang tagal ko nga sa States, ‘di ba? Pero hindi nga ako nagbuntis.

“Kung kailan ako umuwi rito, saka naman ako nagbuntis. Saka noong ikasal na kami, 28 weeks na rin ang tiyan ko, kaya hindi na rin naman puwedeng bumiyahe.

“Siguro, ‘yon na rin ang gusto ng Diyos dahil mas gusto ko pa rin naman dito. Nandito kasi ang pamilya ko, kaya mas may mga makakasama ako rito.

“Saka si Trevor naman, gusto rin naman niya na huwag akong umalis dito para kapag nakapanganak ako, puwede pa ring magkaroon ng mga ganap sa showbiz career ko.

“Nakilala naman kasi niya ako na artista, kaya ayaw naman niyang iwan ko ang pag-aartista.
“Alam din kasi ng husband ko na happy ako sa showbiz, kaya papayagan pa rin niya ako.

“Saka masaya ako sa showbiz, kaya pagkapanganak, sandali lang naman ‘yan at marami na namang ganap sa showbiz life ko. Hahaha!” masa­yang pahayag ng comedienne.

Dagdag ni P-chi, masaya siya ngayon sa kanyang buhay may asawa at soon, sa nalalapit niyang pagiging nanay!

***

Nakita namin ang mag-asawang Tonton Gutierrez at Glydel Mercado sa Shibuya Crossing sa Japan noong Enero 1.

Nagpunta ang mag-asawa sa harap ng estatwa ni Hachiko, ang napaka-loyal na aso.
Tuwang-tuwa ang mga kababayan natin na nakakita sa kanila.

Abalang-abala ang mag-asawa sa dami ng mga nagpapa-picture sa kanila habang naghihintay ang dalawa nilang anak na babae.

Dahil abala sila na pinagbibigyan ang mga kababayan natin na nagpapa-picture sa kanila, hindi na namin nagawang lapitan ang mag-asawa.

Noong Enero 2, bumalik na ng bansa sina Tonton at Glydel.