Abante Tonite Interactive

Ruta ng mga bus sa Metro Manila palalawigin

374

Pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) na baguhin ang ruta ng mga bus sa Metro Manila kasabay ng pagpapatupad ng “no loa­ding and unloading policy” ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kahabaan ng EDSA pagkatapos ng Semana Santa.

Sa television interview kay DOTr Undersecretary for Road Transport Mark de Leon kahapon, sinabi nito na nakikipagkoordinasyon na sila sa MMDA para palawigin ang ruta ng mga city bus sa layuning mapaluwag ang biyahe ng mga pasahero sa Metro Manila habang hindi pa natatapos ang permanenteng terminal ng mga provincial bus sa Taguig City at Bulacan.

“The franchises of buse­s with trips ending in Ala­bang will have to be revised so that it can pick up passengers in Santa Rosa. Provincial buses coming from the south will end trips in Santa Rosa and then be picked up by city buses,” paliwanag ni De Leon.

Maglalatag aniya ng mga bagong ruta para sa mga bus ganun din sa mga UV Express upang makakonek ang mga ito sa mga terminal.

Magiging epektibo umano ang mga bagong ruta kapag natanggap na ng mga bus ope­rator ang kanilang prangkisa sa ilalim ng binagong ruta.

Nakikipag-usap na rin umano ang DOTr sa mga bus operator tungkol sa mga bagong ruta na aaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Samantala, sa isang press conference noong Martes ay ipi­naalala ni MMDA General Ma­nager Jojo Garcia na simula sa Lunes, Abril 22, ay hindi na puwedeng magbaba at magsakay ng pasahero ang mga provincial bus sa kahabaan ng EDSA at maging sa iba pang panguna­hing lansangan sa Metro Manila.

Sa kanilang terminal lamang puwedeng magbaba at magsakay ang mga provincial bus. (PNA)