Abante Tonite Interactive

Sa gabi i-repair ang kalye

0 126

Uy pasensiya na matagal-tagal din akong nawala dahil sa pagdalo sa isang conference sa abroad.

Pero simula ngayon ay balik na po ang ating pagmamasid sa mga kalye at mga motorista dahil natapos na rin sa wakas ang mga event na aking dinaluhan at nakabalik na rin ako dito sa ‘Pinas.

Siya nga pala, maikuwento ko lang, nakakainggit ang sistema ng trapiko at disiplina ng mga motorista sa bansang aking napuntahan dahil bagama’t kagaya sa atin ay problema na rin nila ang mara­ming sasakyan sa lansangan, umiiral pa rin ang likas na disiplina kung kaya’t hindi sila nabibiktima ng usad-pagong na takbo ng mga sasakyan.

Samantalang dito sa atin, lumuluwag lang ng bahagya ang mga lansangan kung holiday o kaya naman ay semestral break.

Nakakadagdag din sa problema ng mga motorista ang wala sa ayos na schedule ng repair ng mga kalsada ng DPWH.

Ang mga kaminero kasi ng DPWH ay kasabay ng ibang empleyado ng gobyerno ang pasok, mag-uumpisa ng 8:00am at matatapos ng 5:00pm kaya sumasabay din ang pagsasa­ayos nila sa rush hour.

Katulad­ lamang ng nadaanan ko noong isang araw sa Nagtahan Fly­over, na kung kailan tukod na tukod ang daloy ng mga sasakyan ay saka naman magpapatsi ng butas ng kalye ang mga taga-DPWH.

Suma-tutal, lalong bumigat ang daloy ng dati nang mabagal na usad ng trapiko dahil bukod sa naturang gawa, nasa kasagsagan din ang pagtatayo ng Skyway Extension sa unahan nito sa southbound.

Kung ang pagsasaayos ng DPWH sa mga lansangan na matindi ang daloy ng trapiko ay isasabay sa trabaho ng mga nasa opisina, mas perwisyo ang hatid nito kumpara sa ginhawa, sa publiko.

Sa ibang bansa, ang pagkumpuni ng lansangan ay itinataon kung wala nang gaanong sasakyan na dumadaan sa mga ito at iyan ay nangyayari sa dis-oras ng gabi hanggang sa madaling-araw.

Hindi ba ito puwedeng gayahin ng DPWH?

Pasensiya na po, hindi ko lang napigi­lan humugot dahil inggit much talaga ako sa sistema ng trapiko at disiplina ng mga motorista sa mga lugar na aking pinanggalingan sa Europe.

O siya dito na muna, sa susunod ay babalik na tayo sa kuwentong oto, pramis! Ayos ba?