Abante Tonite Interactive

Sa ikauunlad ng bayan, pederalismo ang kailangan

By
118

Naniniwala po ako na isa sa epektibong solusyon sa problema sa pabahay ang pede­ralismo na isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Maraming benepis­yo ang makakamit ng ating kababayan at ng ating bansa sa pangkalahatan sa pagpapalit ng anyo ng ating pamahalaan patungo sa pederalismo.

May apat pong dahilan kung paano makatutulong ang pederalismo sa ating bayan. Una, magi­ging mas malaya at mas malawak ang paggamit ng lokal na pondo; ikalawa, tiyak ang pag-unlad at pag-asenso sa mga rehiyon; ang ikatlo ay ang pagbabawas sa red tape dahil tiyak na iikli ang oras sa transaksiyon o pagpoproseso sa mga dokumento sa gobyerno; at ang ikaapat ay magkakaroon ng akmang solusyon sa mga problemang lokal.

Sa ilalim po ng pe­deralismo, tuturuan ang mga lider natin sa bawat barangay at mga pamahalaang lokal na matutong mag­lunsad ng kanilang mga programa na pagkukunan nila ng pondo.

Mas maraming­ prog­rama, mas maraming kita kaya mabilis ang magiging asenso.

Dala ng pedera­lismo ang oportunidad para paunlarin at patatagin ang mga lalawigan.

Kaakibat po nito ang pagpapalakas sa mga pamahalaang lokal para mas matugunan ang mga problema ng bawat Pinoy tulad ng kalusugan, impraestruktura at pabahay.

Kung matatag po ang isang pamahalaang lokal, mas ma­laki ang oportunidad na kaya nitong bigyan ng disenteng pabahay ang mga nasasakupan nila na walang sariling bahay. Mas makakapamili sila ng akmang relocation site para sa progra­mang pabahay sa mga informal settler sa kanilang lugar.

Dahil dito, hindi na kailangan pang ilipat sa malalayo ang mga mapapaalis na informal settler na malayo sa kanilang trabaho, paaralan at mga pangunahing pangangailangan nila tulad ng ospital.

Panahon na upang tulungan ng mga lider ng ating bansa ang simpleng pangarap ng bawat Pinoy na walang sariling tirahan. Maging tulay at instrumento sana kayo para magkaroon ng disente at abot-kayang pabahay ang bawat pamilyang Filipino na wala pang sariling bahay.

Umulan man o umaraw, may bubong silang masisilungan. May sariling bahay na mauuwian kahit pa abutin ng hatinggabi matapos ulanin at mababad sa baha.

Ilan lang po ito sa mga positibong dala ng pederalismo. Mamulat po sana tayo sa mga bentaheng dala nito. Kung nais nating umasenso at umunlad, pedera­lismo ang ating kailangan.