Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sa laban ni Pacman: 1 loss, 1 ‘in protest,’ 1 to go

0 199

Sayang!

Iyan mga tropapips ang pailing na nasabi ng mga kurimaw nating ayudanatics nang matalo ang fighting senator na si Manny Pacquiao sa mas matangkad, malaki at mahaba ang brasong si Yordenis Ugas.

Akala nga raw nila eh tamang-tama si Ugas na pamalit sa original sana nitong kalaban na si Errol Spence Jr., na umatras dahil sa injury sa mata.

Bukod kasi sa magkakulay nina Ugas si Spence, hindi rin nalalayo ang tangkad ng dalawa kaya hindi na mahihirapan si Pacquaio na mag-adjust ng target. Kaya lang, sadyang mahusay din naman si Ugas.

Ang kampo naman ng Pambansang Kamao, idinahilan na pinulikat nang maaga sa paa ang boxing legend kaya nahirapan nang makatama ng mga solidong suntok, at makaiwas sa mga suntok naman ni Ugas.

May mga nagsasabi rin na baka nasobrahan sa ensayo ang senador kaya nakaranas ng pulikat. Ngunit kahit ano pa ang dahilan–ang olat, olat.

Dahil dito, tingin daw ng mga ayudanatics eh nabawasan ang momentum ni Pacquiao sa plano niyang tumakbong pangulo sa 2021. Baka raw, mas magandang magsenador na lang siya ulit.

Minsan nating napag-usapan mga tropapips na tatlo ang matinding laban na kakaharapin ni Pacquiao: 1) ang banggaan sa partido niyang PDP-Laban na gusto siyang sibakin na presidente, 2) ang laban niya kay Spence na nauwi kay Ugas, 3) ang posibleng patakbo niyang pangulo sa 2022.

Sa unang laban niya sa liderato ng PDP-Laban, puwedeng ikonsidera na “in protest” ang resulta dahil ang Commission on Election ang magsasabi kung ang paksiyon nina Pacquiao at Senador Koko Pimentel ang lehitimong lider ng partido, o ang paksiyon ni Energy Secretary Alfonso Cusi.

Pero baka bumangon sa hukay ang tatay ni Koko na si Senador Nene Pimentel kapag ang kinilala ng Comelec eh ang grupo ni Cusi. Simulat-sapul kasi, alam naman ng marami na ang mga Pimentel ang lider ng PDP-Laban. Tapos biglang masisipa ang kaniyang anak na si Koko?

Sa ikalawang laban niya, alam na natin ang resulta na panalo si Ugas. Hindi na mababago mga tropapips ang nangyari kahit pa ilang beses nating ulit-ulitin o i-replay ang laban. Wala na rin naman talaga ang dating bilis at bagsik ng kamao ng senador.

Isa pa, nag-iingat na rin naman siguro si Pacquiao sa pagsugod at baka mapatulog siya ni Ugas tulad ng nangyari noon sa laban nila ni Juan Manuel Marquez. Mas pangit ang exit niya sa boxing kapag bumulagta siya at baka talagang dehins na siya dapat tumakbong pangulo kapag ganun.

Ang malaking tanong, dapat pa rin ba siyang tumakbong pangulo sa 2022 o senador na lang ulit? Aba’y kapag umatras siya sa pagkapangulo, malamang na may panibagong selebrasyon ang mga kalaban niya tulad ng selebrasyon nang manalo si Ugas.

Pero kung mahusay ang mga political strategist niya, puwedeng mapunta sa pabor niya ang pagkatalo niya kay Ugas at ituloy ang pagtakbo niya sa 2022. Kung papaano? Aba’y hayaan natin na ang mga tauhan niya na malaki ang sahod ang mag-isip noon para sa kaniya. Baka kapag sinabi natin dito, ibulong nila kay Pacquiao at sabihing sila ang nakaisip. Ano sila, lucky me? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.