Abante Tonite Interactive

Sa libreng kolehiyo, medyas na lang ang sagot mo

By
2,708

Makailang buwan na ang nakakalipas. Nagulat ako sa isang anunsiyong napanood ko sa TV. Ililib­re na raw ng gobyerno ang pag-aaral ng mga bata sa mga state-run college and university.

Sa wakas, isang bagay na matagal kong pinag-ukulan ng isip kung bakit walang gumagawa. Si Pangulong Duterte lang sa dinami-rami ng mga nagdaang presidente ang nakaisip na ga­wing libre ang lahat ng go­vernment-run colleges at universities sa buong Pilipinas. Katwiran ko kasi, eh kung nagawa na nga nating magbigay ng libreng paaral hanggang high school, bakit ‘di pa natin lubus-lubusin hanggang college?

‘Di ba ‘pag nag-apply ka ng trabaho sa isang opisina, ang unang tanong sayo, “Anong natapos mo?” Pangit naman sumagot na: “Wala po dahil natapos ang pangarap ko nang sumuko sa gastos si tatay.”

Naniniwala kasi ako na college education ang tunay na sagot sa kahirapan. Isa sa pinakamabigat na pasanin ng isang mahirap ay ang tustusan ang matrikula ng mga anak na gustong magkolehiyo. Mahal ang tuition at fees ng mga unibersidad. ‘Yan ang dahilan kung bakit hindi na tumutuloy ang mga bata sa kolehiyo pagkatapos ng high school.

Itong programang lib­reng paaral, sa tingin ko, ang nagbibigay ng tunay na kalayaan sa mga mahirap na itaas ang antas ng kanilang kabuhayan. Nagkakaroon sila ng patas na laban. Hindi na limitado ang oportunidad nilang magtrabaho lamang sa mga hindi nangangaila­ngan ng college degree.

Sa panukalang ito, kahit ang anak ng isang kasambahay ay may pagkakataong makaakyat ng entablado para kunin ang kanyang college diploma pagkatapos tustusan ng buong pamahalaan.

Isang taon na ang nakaraan mula nang buksan namin dito sa aming bayan ang One Cainta College. Ito ang kauna-unahang kolehiyong pampubliko na pinatatakbo at pinopondohan ng Lokal na Pamahalaan ng Cainta. Sa planning stage, maraming agam-agam ang narinig ko sa mga preliminary mee­ting. Lalo na patungkol sa posibleng laki ng gastos na gugugulin para mapatakbo ito nang maayos… lalo pa’t nag-anunsiyo ako na walang babayaran ang lahat ng mga mag-aaral na papasok dito. Naka-aircon pa man din ang mga silid-aralan. At namili kami ng mga mahusay na propesor mula sa iba’t ibang unibersidad ng Pilipinas para magbukas ng isang de-kalidad na kolehiyong paaral para sa mga bata.

Pinangangasiwaan din ito ng isang dekano mula sa isang matayog na pamantasan sa Kalakhang Maynila.

Nangyari ang dapat mangyari, isang magandang gusali ang binuksan namin para sa mga mahirap na kababayan na may mga anak na ibig magtapos ng kolehiyo. Sa ­aming soft opening, meron kaagad limandaang mag-aaral ang nag-enroll dito sa apat na kursong aming unang inalok. At sa dara­ting na Hunyo, nag-expand kami at magbubukas ng karagdagang walong kurso. Tatayang aabot ng halos dalawang libong katao ang makikinabang dito sa aming kolehiyo. Libre ang tuition, ang miscellaneous fees, uniporme at sapatos. Medyas na lang ang sagot ng bata.

Naisip ko rin ang kalagayan ng mga mag-aaral na gustong maging scholar. Dito sa atin, ‘pag scholar ka, matalino ka dapat. Parati na lang limi­tado ang libreng paaral sa magaling at matalino. Eh paano naman ‘yung mga sakto lang na katulad ko? ‘Yung mga hindi nakamana ng magandang genes mula sa kanilang mga magulang? ‘Yung mga pumapasa na bukod sa awa, eh hindi naman mga bida? ‘Yung gustong makatapos pero dukha at hindi rin henyo?

Patas ang tsansa ng matalino at sakto sa kolehiyo namin. Hangga’t pinapasa ng bata ang mga subject niya at may interes pa ring makatapos, puwede ka dito.

Sa lahat ata ng nasimulan naming ilunsad sa aming bayan, ito na ata ang pinakamahalagang legasiya na maiiwan na­ming sa mga susunod na henerasyon.