Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sa Maynila bakuna na lang ang hinihintay

0 77

Napakaproduktibong linggo ang lumipas sa Maynila at ako ay nagagalak ianunsiyo na kami sa pamahalaang-lokal ay handang-handa na para sa pagpapaupad n gaming vaccination program.

Bakuna na lang ang kulang.

Ipinagmamalaki din ng lungsod na binuksan na namin ni Vice Mayor Honey Lacuna ang aming storage facility para sa mga COVID vaccines. Ito ay matatagpuan sa seventh floor ng Sta. Ana Hospital.

Bago nito ay amin ding tinanggap ang mga bagong deliver na freezers para sa Pfizer COVID-19 vaccines at kinumpleto nito ang storage units na kailangan namin sa storage facility nang sa gayon, may kahandaan na kami na tanggapin anuman at lahat ng uri ng bakuna na available sa merkado at darating sa bansa.

Hindi sa pagmamalaki subalit kami po sa Maynila ay mayroong refrigeration units at storage facility na kayang tapatan lahat ng uri ng kinakailangang temperature ng anumang brand ng bakuna upang ang mga ito ay maitago nang maayos.

Mayroon na ding 12 ultra-low temperature freezers sa nasabing storage facility at tanging bakuna na lamang ang hinihintay namin upang lubusang mailunsad ang local government action plans na nauukol sa pagbibigay ng libreng bakuna sa mga residente.

Ang aming storage facility ay kayang mapag-imbakan ng hindi bababa sa 800,000 doses ng anumang klaseng bakuna.

Pagkatanggap namin ni Vice Mayor Honey ng huling freezers na kumumpleto sa aming pangangailangan para kayanin ng lungsod na magtago ng lahat ng uri ng bakuna ay agad naming pinulong ang mga tauhan na may kinalaman sa magaganap na bakunahan, upang plantsahin pang lalo ang mga plano at mga papel na kanilang gagampanan kapag dumating na ang mga bakuna at tuluyan nang umaandar ang storage facility.

Hindi bababa sa 300 katao ang gagamitin ng pamahalaang-lookal para magbigay ng bakuna sa mga interesadong makakuha nito nang libre.

Sa pamamagitan ng matinding trabaho ni City Engineer Armand Andres, na siya kong pinagkatiwalaang gawin ang storage facility, naayos naman ito sa loob lamang ng sampung araw at dahil diyan ay pinapupurihan ko siya.

SM food to go Banner Ad

May anti-bacterial vinyl flooring at bacteria-free storage ng bakuna ang nasabing pasilidad, bukod pa sa 11 closed circuit television (CCTV) cameras.

Ang freezer units ay may uninterrupted power supply (UPS) feature na magbibigay ng sampu hanggang 15 minutong lead time sakaling magka-brownout, bago tuluyang mag-takeover ang generators.

Nilikha din namin nitong nakalipas na linggo ang Manila COVID-19 Vaccine Action Center (MCVAC) bilang paghahanda sa paparating na bakunahan kung saan target naming bigyan nito ang may isang milyong residente, trabahador at bisita sa lungsod.

Layon ng MCVAC na tumulong sa registration ng mga gustong magpabakuna laban sa COVID-19, sumagot sa mga tanong ukol sa bakuna at mag-ulat at gumawa ng referral ng AEFI (adverse events following immunization).

Nauna sa mga kaganapang ito ay pinarangalan naman namin ni Vice Mayor Honey ang 259 barangays sa Maynila na walang naitalang kaso ng COVID sa nakalipas na dalawang buwan. Sa nasabing bilang, 33 ay ‘grandslammers’ na o nanatiling ‘COVID-free’ sa nakalipas na apat na buwan.

Habang pinasasalamatan namin ang ibang barangay na nakapagtala din ng mababang kaso ng COVID, binigyan naman namin ng cash incentive ang mga walang COVID na barangay para sa kanilang pagsisikap.

Ang pera ay di sa bulsa ng chairman mapupunta kungdi sa mga pangangailangan ng barangay gaya ng pagkain o mga PPE.

Pinatutunayan nito na ang pagiging ‘COVID-free’ ay ‘doable and replicable’ o magagawa at puwedeng gayahin. Kaya naman hinihimok ko ang mga di nakasama sa listahan ng awardees na kumuha ng tip mula sa mga nagtagumpay na barangay. Kaya natin ‘to!!!

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.