Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sa panahon ng pandemya, hindi natutulog ang Senado

0 479

Hanggang sa ngayon ay marami pa rin ang kontra at kritikal sa napipintong pagpasa ng panukalang batas na siyang lalaban at magsasawata sa lahat ng aktibidad kaugnay ng terorismo. Hindi na baleng maging paulit-ulit tayo sa pagpapaliwanag, ang mahalaga ay maging malinaw at maunawaan ng ating mga kababayan ang tunay na layunin ng panukalang batas na Anti-Terrorism Act of 2020. Nais ko lamang ipaalam sa lahat na ang panukalang batas na ito dumaan sa matinding deliberasyon at diskusyon sa Senado upang masigurong tama at makatuwiran ang pagkakabuo dito, bago pa isumite sa Palasyo upang mapirmahan ng Pangulo at maging isang ganap na batas.

Linawin na rin natin ang isyu na bakit raw ang pagpuksa ng terorismo ang inuuna sa Senado at hindi ang mas mga importanteng panukalang batas na magpapabuti sa lahat sa panahon ng COVID-19 pandemic. Wrong timing at insensitive raw, ika nga ng iba. Ngunit para sa kaalaman ng lahat, hindi lamang ang pagpapasa sa ‘Anti-Terrorism Act of 2020’ ang prayoridad ng Senado dahil maliban dito, marami pang ibang mahahalagang panukalang batas ang ating natalakay at patuloy na tinatalakay upang mapabuti at maitaas pa ang antas ng pamumuhay ng bawat Pilipino, ito ang ating mandato at responsibilidad sa tao.

Kung ating babalikan, noong March 23 nitong taon kung kailan ang Luzon ay nakasailalim sa Enhanced Community Quarantine, ipinasa ng Kongreso ang “Bayanihan to Heal as One Act” upang tugunan ang mga pangangailangan ng ating mga mamamayan sa panahong ito ng pandemya, lalo na ang pag bibigay ng ayuda para sa nakararami na apektado ang mga hanapbuhay gawa ng lockdown.

Bago naman mag adjourn Sine Die ang unang regular na sesyon ng 18th Congress noong June 4, 2020, ipinilit din nating maipasa ang panukalang batas na Bayanihan to Recover as One Act na siyang tutugon sa mga pangangailangan ng bansa sa pag papalakas muli ng ating ekonomiya habang patuloy ang pagharap natin sa Covid19 pandemic, pati na rin ang magiging mga susunod na hakbang pagkatapos ng pandemyang ito. Ngunit hindi pa sinertipikahan ni Pangulong Duterte bilang urgent ang bill na ito, dahil na rin siguro naghahanap pa ng pondo ang executive branch para maipatupad ang panukalang batas na ito.

Pero sa nabanggit, makikita natin na talagang hindi natutulog ang Senado. Bago pa hingin ni Pangulong Duterte ang panukala ng mga mambabatas para sa pag papaangat muli ng ekonomiya at ng buhay ng mga Pilipino, ginawa na ito ng Senado. Kaya hindi po totoo na mas binibiyang pansin pa ang terorismo kaysa sa pandemyang ito.

Isa pa, hindi rin naman dahil sa may pandemya ay natutulog na ang mga terorista. Ilan sa masakit na mga halimbawa nito ay ang pagkamatay ng 12 nating sundalo sa digmaan laban sa Abu Sayyaf Group noong April 17 sa Patikul, Sulu, pati na ang pagkamatay ng 3 pa nating sundalo noong April 19 sa Himamaylan, Negros Oriental habang nag babantay sa Social Amelioration Program distribution ng DSWD. Nasawi rin ang 2 nating sundalo habang nagbabatay din ng Social Amelioration Program distribution sa Aurora noong April 21, at nalagasan pa tayo ng 4 sundalo habang 17 naman ang sugatan sa panibagong digmaan laban sa Abu Sayyaf Group sa Patikul, Sulu noong June 5.

Malinaw na walang pinipiling oras ang mga terorista, at ang masakit pa ay pati pandemya ay nagagamit nila para sa kanilang mga pansariling interes. Ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay isang ‘long-term’ o pang-matagalang solusyon upang masiguro ang kaligtasan ng bawat Pilipino mula sa anumang karahasan dulot ng terorismo. Sa kasamaang palad, sa kasalukuyan, ang ating bansa ay isa sa maituturing na may pinaka-mahinang batas laban sa terorismo. Sa katunayan, number 9 tayo sa mga bansang may pinaka negatibong impact ang terorismo, kaya panahon na para magkaroon tayo ng batas na may pangil at katatakutan ng mga terorista.

Alam naman natin na maging sa simula pa lamang ng pamumuno ng Pangulong Duterte, kabilang sa priority programs ng kanyang administrasyon ang anti-drugs, anti-criminality, anti-corruption at itong anti-terrorism, kaya naman hindi na nakagugulat kung na-certify ito bilang urgent legislation.

Huwag tayong magpadala sa mga maling impormasyon lalo na mula sa mga tao o grupong maka-kaliwa. Muli at nais kong bigyang diin, kung ikaw ay terorista o taga-suporta ng mga terorista, dapat kang matakot at magbago! Tapos na ang maliligayang araw niyo, iyan ang totoo. At kung ikaw naman ay law-abiding citizen, if this bill is signed into law, you will rejoice!

Bilang chairman ng Public Order and Dangerous Drugs Committee ng Senado, bilang retiradong pulis, bilang Mindanaoan, at bilang Pilipino, nais kong bigyang tuon ang anti-terror law. Ako rin ay co-sponsor at co-author ng panukalang batas na ito

Leave A Reply

Your email address will not be published.