Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sa presinto ka magpaliwanag

0 172

Ano pa nga ba ang maaasahang reaksyon mula kay Pang. Duterte sa balita na hiniling ni Fatou Bensouda, ang prosecutor ng International Criminal Court, ang paglunsad ng pormal na imbestigasyon sa “war on drugs” ni Duterte?

Bukod sa sangkatutak na pagmumura sa ICC (“bullshit;” “mga unggoy;” “mga ulol”), ginamit ni Duterte ang baraha ng nasyunalismo at rasismo kontra sa mga “puti” (“yung mga colonizers na ito;” “Why would I defend or face an accusation before white people?”). Nagpakita rin ng gilas ng abogado nang ipaliwanag niya ang kanyang katawa-tawang teorya na walang bisa ang tratadong nilagdaan ng Pilipinas noong 2000 (ang Rome Statute of the Interntational Criminal Court) dahil hindi umano ito nalathala sa Official Gazette.

Kung gaano kasidhi ang galit niya sa pinakahuling hakbang ng ICC, ganoon din ang takot na yumayanig sa kaibuturan ni Duterte. Gaano ma niya ito itanggi, kailangang tanggapin niya ang katotohanan na hindi niya matatakasan ang pananagutan bilang pasimuno ng sistematikong pagpaslang sa libo-libo ng kanyang mga kapwa Pilipino sa ngalan ng kanyang pekeng gera kontra droga.

SM food to go Banner Ad

Sasaklawin ng imbestigasyon na hiningi Bensouda hindi lamang ang mga pagpatay na isinagawa ng Philippine National Police at mga ahente nito mula nang maupo si Duterte noong July 1, 2016 hanggang Marso 16, 2019 (huling araw ng bisa ng Rome Statute sa Pilipinas matapos tumiwalag ang ating gobyerno alinsunod sa atas ni Duterte). Kasama rin ang mga pagpatay na isinagawa ng Davao Death Squad sa lungsod ng Davao mula ng November 1, 2011 (petsa ng epektibidad ng Rome Statute sa Pilipinas), nang nanungkulan si Duterte bilang vice-mayor at mayor. Kabilang sa maaaring kasuhan hindi lamang si Duterte, bilang punong arkitekto ng patakarang tokhang, kundi maging ang dalawang hepe ng PNP (sina Bato Dela Rosa at Albayalde), ilang mga regional directors nito, at iba pang opisyal ng administrasyon.

Ayon kay Bensouda, naganap ang “krimen laban sa pagkatao ng pagpatay.” Aniya: “Following a thorough preliminary examination process, the available information indicates that members of the Philippine National Police, and others acting in concert with them, have unlawfully killed between several thousand and tens of thousands of civilians during that time.”

Ang pangunahin at hindi maiigpawang problema ni Duterte at lahat ng kanyang mga kasapakat: pawang katotohanan ang sinabi ni Bensouda. Inutos ni Duterte ang pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga. Pinatupad ito ng PNP. Libo-libo, laluna mula sa hanay ng maralita, ang pinatay nang walang due process. Pinagtakpan ito ng PNP bilang institusyon sa pamamagitan ng naratibo ng “nanlaban.” Totoong may sala sila ng krimen laban sa pagkatao, at darating ang araw ng pagpapanagot.

Leave A Reply

Your email address will not be published.