Abante Tonite Interactive

Sa Tsino may awa, sa Pilipino patay agad

MAGDALO

By
546

Buti pa ang mga Chinese national na sangkot sa drug smuggling ay binibigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng due process, samantalang ang mga Pilipino ay agad na pinapatay dahil lamang sa hinalang gumagamit o nagtutulak ng droga.

Hanggang ngayon ay nagpapatuloy ang pagpatay ng mga vigilante sa mga pinaghihinalaang drug addict o pusher. Ang dating mahigit 23,000 na pinatay, kasama na ang mahigit 4,000 na nanlaban umano sa police operations at napatay, ay nadadagdagan nang nadagdagan. Karamihan sa mga ito, lalo na ‘yung mga biktima ng mga vigilante, ay hindi nabigyan ng due process. Walang man lang maayos na imbes­tigasyon na isinagawa bago sila nasentensyahan ng kamatayan.

May mga pulis na nadidiskubreng sangkot sa iligal na pagpatay. Sinisintensyahan agad ng kamatayan ang kanilang target sa operasyon kahit sila ay mga suspek pa lamang. May mga biktima din ng extra-judicial killing kahit inosente at hindi naman talaga sangkot sa iligal na droga tulad na lamang ng kaso ni Kian delos Santos na walang-awang pinaslang ng mga pulis. Ito ay nakuhanan ng CCTV kung saan tila sumusuko na ang bata pero kinaladkad at pinagbabaril pa rin ng mga pulis.

Sa libo-libong napaslang sa ilalim ng war on drugs, ang awa ngayon ni Pangulong Duterte ay wala sa mga Pilipinong iligal na pinaslang kundi nasa mga Chinese national na sangkot sa drug smuggling ang siyang pinagmumulan ng tone-toneladang droga. Ang awa ng Pa­ngulo ay naroon sa mga Tsinong lumalason sa buhay ng ating mga kapamilya at kababayan, wala sa mga magulang na nawalan ng anak at mga batang naulila.

Kapag Chinese nationals na ang sangkot at bulto-bultong shabu na galing China ang nakakalusot sa Bureau of Customs, tahimik at tikom ang kanyang bibig. Ngunit kapag mga ordinaryong Pilipino ang nahulinan ng isang sachet ng shabu, sangkatutak na mura, pananakot at pagpatay ang inaabot. Kung ang awa ng Pangulo sa mga Chinese national na nadadawit sa illegal drugs ay binibigay niya din sa mga Pilipino, at inutos ang malalimang im­bestigasyon sa mga kaso, hindi sana dumanak ang dugo sa pagsugpo ng iligal na droga.

Suportado ko na kinakailangan na talagang mabura sa ating mga komunidad ang iligal na droga. Sang-ayon ako na dapat solusyonan na ang problema sa droga. Ngunit, hindi ako sang-ayon sa pamamaraan nito ng patayan at pagsasawalang-bahala sa karapatang-pantao. Hindi rin ako sang-a­yon na tila may pinipili lamang ang giyera kontra-droga na ito. Kapag maliliit at mahihirap na Pilipino, patay agad, pero kapag malalaki at mayayamang Chinese druglords, napaka­maluwag ang trato.

Sa lahat ng mga pabo­rableng polisiya at pakikitungo ng admi­nistrasyong Duterte sa China, mapapatanong ka na lang talaga, para kanino ba siyang angulo? Para sa mga Pilipino o para sa mga Tsino?