Abante Tonite Interactive

Sa Universal Health Care, pantay ang lahat ng Filipino

By
102

SA maraming aspeto ng buhay ng mga Filipino, at ng lahat ng tao sa mundo, hindi pantay ang mayaman at mahirap at malaki ang agwat ng estado ng kanilang buhay.

Ang mga nakaririwasa ay sagana sa maraming bagay samantalang ang mga mahihirap ay hikahos maging sa kanilang batayang pangangaila­ngan.

‘Di bale, ayon sa mahihirap dahil sa mata ng Diyos ay pantay naman daw ang lahat. Tama naman ito pero ikinakatuwiran ito sa konteksto ng kawalang pag-asa na maaabot pa nila ang antas ng pamumuhay ng mayayaman.

Lilinawin lang po natin, hindi tayo galit sa mayayaman. Sa katunayan, hanga tayo sa mga umaangat sa buhay sa pamamagitan ng pagsisikap.
Pero sa isinusulong nating “Universal Health Care for All Filipinos Act,” bill o UHC, magiging pantay ang lahat ng Filipino sa usapin ng pag-aalaga at pagkalinga ng gobyerno sa kanilang kalusugan o health care.

Sa ating pananaw kasi, ang health care ay karapatan at hindi pribilihiyo na iilan lamang o iyung may kakayahan lamang na gumastos ang nabibiyayaan.

Walang pinipili ang UHC dahil maski na nakakurbata man o nakakamiseta lang, parehong may access sa dekalidad at abot-kayang health care at serbisyong pangkalusugan na galing sa gobyerno tulad ng pagpapagamot sa mga ospital.

Ito ang ating sini­guro sa ating panukalang UHC para hindi na dehado ang mahihirap at liyamado naman ang mayayaman sa usapin ng health care.

Papaano mangyayari ito? Kapag batas na ang UHC bill, lahat ng Filipino ay automatic na miyembro ng PhilHealth at may pantay na karapatan na makinabang ng health care sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).

Sa kasalukuyan kasi, pumapatak na 90 porsiyento ng mga Filipino ang covered ng PhilHealth. Ibig sabihin, iyung natitirang 10 porsiyento ay hindi nakatatanggap ng tulong mula sa PhilHealth kapag sila ay nagkasakit o kaya ay may miyembro ng kanilang pamilya ang naospital.
Pero sa UHC, 100 percent na o lahat ng Filipino ang makikinabang sa NHIP.

At ang maganda sa UHC, ang mga mahihirap na walang pinansiyal na kakayahan ay hindi na pagbabayarin ng premium sa PhilHealth.

Sa isang bansa o lipunan kung saan handa at naibibigay ang malasakit at tamang asikasong pangkalusugan sa mamamayan, isang hakbang na ito para makamtan ang GINHAWA NG BAYAN.