Abante Tonite Interactive

Sabi ng survey

SPY ON THE JOB

By
366

Mukhang magiging star-studded ang 2019 senatorial elections dahil sa dami ng mga artista (o dating mga artista) na posibleng tumakbo.

Kabilang sa mga mag-I shall return sa Senado sina Lito Lapid, Bong Revilla at Jinggoy Estrada. Bali-balitang nililigawan din si Monsour del Rosario (kongresista ngayon ng Makati) na tumakbo ring senador.

Kung matutuloy si Jinggoy, aba’y baka magkaroon pa ng pustahan kung sino sa kanila ng kapatid niyang re-electionist senator na si JV Ejercito ang mananalo. Kung paniniwalaan ang pinakahuling survey ng Pulse Asia, lamang si Jinggoy sa tiyansang manalo.

Sa ranking kasi, 6-10 ang puwesto ni Jinggoy habang 11-17 si JV.

Hinala ng ating kurimaw na mahilig sa action movie, baka kaya lamang si Jinggoy ay dahil dala o gamit niya ang apelyido ng kanilang amang si ex-President at ngayo’y Manila Mayor Erap Estrada.

Bukod sa nabanggit na nating pangalan, nasa listahan din ng survey ang iba pang artista na hindi pa naman siguradong kakandidato gaya nina Quezon City Mayor Herbert Bautista, Isko Moreno, Robin Padilla, Freddie Aguilar, Agot Isidro, Leah Navarro, Jim Paredes, Mocha Uson at Kris Aquino.

Masuwerte ang mga matunog o pamilyar ang pangalan dahil kahit wala silang ginagawang gimik para mapag-usapan at maalala ng mga tao eh lumalabas ang kanilang pangalan sa survey. Samantalang may iba na gumastos na at halos isangla ang kaluluwa para malaman lang ng mga tao na gusto nilang magsenador eh nganga pa rin at luhaan.
***
At ngayong linggo nga ay malalaman na natin kung sino-sino ang mga tatakbo sa 2019 elections (kasama ang mga magsesenador) dahil maghahain na sila ng kanilang sertipikasyon bilang kandidato.

Dahil may mga mi­yembro ng Gabinete ni President Mayor Digong Duterte ang tatakbo rin, asahan na magkakaroon daw ng balasahan sa gobyerno dahil mapipilitang mag-resign ang mga papalaot sa kampanya.

Magadang pagkaka­taon din ito mga tsong sa Pangulo para makapili ng mga opisyal na makatutulong na maibalik ang malaking tiwala ng mga tao sa kaniyang gobyerno. Hindi biro na lalo pang tumaas ng inflation rate sa 6.7 percent nitong Setyembre mula sa nakaraang 6.4% ng Agosto. Ibig sabihin nito, lalo pang nagmahal ang mga mahal nang serbisyo at mga bilihin – tulad ng bigas at gasoline.

At sabi sa pinaka­bagong survey ng Social Weather Station nitong Setyembre, mas dumami ang nagpahayag na mas sumama o lumalala ang kalagayan ng kanilang pamumuhay ngayon. Kung noong Hunyo ay 32% ang nagsabi na gumanda ang kanilang buhay, naging 28% na lang ito noong Setyembre. Ang dating nagsabi na lumala ang kanilang buhay na 27%, tumaas ngayon sa 30%. Kaya sa kauna-unang pagkaka­taon sa administrasyon ni Duterte ay bumaba sa -2 ang net ratings ng paglala ng kalagayan ng mga tao mula sa dating +5 noong Hunyo.

Kaya naman siguro kahit nakabawi ang personal net satisfaction ratings ni President mayor Duterte nitong Setyembre sa +54% mula sa dating +45% noong Hunyo, lumaylay naman ang net satisfaction rating ng kaniyang administrasyon sa +50% mula sa dating +58%.

Bukod sa paghaha­nap ng solusyon para sa mapababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas at petrolyo, dapat pagsisibakin din niya ang mga opisyal sa mga ahensiyang walang ginagawa at tadtad ng katiwalian. Batay sa ulat ng Presidential Anti-Corruption Commission, kabilang sa mga ahensiya na may pinakamaraming sumbong ng katiwalian itong Department of Public Works and Highways, Department of Environment and Natural Resources, Department of Foreign Affairs, Department of Transportation at Department of Agriculture.

Dapat din sigurong silipin nila ang mga posibleng kabalbalan na nangyayari sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA kaugnay sa isyu ng mga binibiling “tool kits” at listahan ng umano’y mga iskolar. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”