Abante Tonite Interactive

Sabio ginapang ng mga galamay ni Duterte — Trillanes

0 651

Wala umanong epekto ang pag-atras ni Atty. Jude Sabio sa kanyang reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV.

“Walang epekto ang gagawing ‘pag-withdraw’ ni Sabio ng ICC case kasi hindi ganun ang proseso ng ICC. Iba ang proseso ng korte sa Pilipinas,” pahayag ni Trillanes sa kanyang ipinadalang statement sa media kahapon.

“Ang mga nagbigay ng testimonya dun sa finile ni Sabio ay ang mga testigo na sina Arturo Lascañas at Edgar Matobato. Si Sabio ay abogado lamang nila na nag-facilitate nu-ng pagsulat ng kanilang testimonya,” dagdag nito.

Sakaling tanggapin umano ng ICC ang ‘communication’ ni Sabio, may iba na naman umanong reklamong inihain laban kay Duterte sa nasabing korte, kabilang ang inihain nila noong 2017.

“Even assuming tanggapin ang pag-withdraw ni Sabio, marami pang ibang nag-file laban kay Duterte sa ICC,” sabi ni Trillanes.

“Kami ni Cong. Gary Alejano ay ang ikalawang nag-file rin nu’ng June 2017. Ito ang ginawang basis ng pagsimula ng preliminary examination ng ICC nu’ng Feb. 2018,” saad pa nito. (Dindo Matining)