Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sablay na petisyon

0 528

Umuusok na naman ang social media dahil sa isyu ng inihaing petisyon para ikansela ang certificate of candidacy ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Parang nasa sabungan ang atmosphere, pero imbes na ‘sa pula, sa puti’ ang labanan eh ‘sa pula, sa dilaw’ ang makikita mo ngayon.

Nabasa na natin ang laman ng petisyon at komento ng ibang tao sa petisyon. Sa ‘prefatory statement’ pa lang ng grupong naghain ng petisyon ay mukhang wala na agad sa hulog, porma, laman at sustansiya. Sa umpisa pa lang kasi ng petisyon ay masasakit na salita agad ang ibinungad laban sa inirereklamo na punung-puno pa ng kasinungalingan at bintang.

Sabi tuloy ng ilang abogado, sa usapin pa lamang kung sufficient in form and substance ang petisyon ay sablay na ito at mukhang kandidatong mabasura.

Sinasabing pakana ni dating Supreme Associate Justice Antonio Carpio ng nilalangaw na 1Sambayan ang petisyon pero may nagsasabing propaganda rin ito ng makakaliwang grupo na ang isa sa nag-aakusa ay si Fides Lim, asawa mismo ni NDF consultant Victor Ladlad. Si Ladlad ay nakakulong dahil sa kasong illegal possession of high-powered firearms.

Pinalalabas ngayon ng grupong dilawan na si Marcos Jr. ay ‘convicted tax evader.’

Mismong si dating Justice Secretary at Ateneo Law School Professor Atty. Alberto Agra, na ang nagsabing malabong umusad ang petisyong ikansela ang COC ng anak ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

“Nakalagay dun sa Omnibus Election Code natin na kailangan hindi convicted. Ang nakalagay sa batas kailangang sentenced, may final judgement of imprisonment. Ang nangyari nung binasa ko ang kaso ay wala si presidentiable BBM. Hindi siya sentenced to imprisonment. Convicted siya to pay a fine,” paliwanag ni Agra.

Pinaliwanag ng Law Expert na hindi tax evasion ang kaso ni Marcos kundi simpleng hindi lamang pagsasampa ng income tax return. Nakasaad din umano sa batas na para makansela ang COC ng sinumang kandidato, kailangang mapatunayan itong nagkasala at parusahan ng mahigit 18 buwan na pagkakakulong at mapatunayan ito sa krimen na may kaugnayan sa “moral turpitude.”

Wala pang final judgement sa nasabing usapin dahil hindi ito nakarating sa Korte Suprema.

Siguro, ramdam ngayon ng kabilang kampo na walang patutunguhan ang inihaing disqualification case laban kay Marcos kaya nag-iisip na naman ng panibagong petisyon.

“Ang totoo nyan ay ang intensiyon nila para maging abala ang aming kampo sa pagsagot sa kanilang mga basura at mapanglait na alegasyon na siyang istratehiya nila upang hindi kami makapaglunsad ng offensive information campaign,” ayon kay Atty. Vic Rodriguez na siyang abogado ng presidential aspirant na si Marcos Jr.

Aabangan natin ang magiging hatol ng Commission on Elections (Comelec) ang usaping ito bago matapos ang taong 2021.

Leave A Reply

Your email address will not be published.