Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sablay na serbisyo

0 400

Nitong weekend ay katakot-takot na reklamo at hinaing ang inilabas ng publiko sa social media laban sa One Hospital Command Center.

Hindi kasi matawagan at ma-contact ang hotline numbers at kung makalusot man ay purong ringing lamang ang maririnig sa kabilang linya.

Halos mapudpod ang daliri ng mamamayan sa kada-dial sa hotlines ng One Hospital Command Center subalit wala ring napala ang mga ito.

Mismong ang isang kilalang broadcaster ang sumubok matapos iparating sa kanya ang reklamo ng ilang kaibigan at hiningi pa ang tulong ng kanilang yaya at sabay silang tumawag sa hotlines pero parehong bigo ang mga ito.
Itinatag ng gobyerno ang One Hospital Command Center noong Agosto ng nakalipas na taon para sa mas komprehensibong koordinasyon at pagtugon sa problema sa COVID pandemic sa Metro Manila.

Ito ang nakatoka para sa referral ng mga health facility o mga hospital na maaring puntahan ng publiko dahil karamihan sa mga hospital sa National Capital Region ay napuno dahil sa mataas na COVID cases lalo na noong buwan ng Abril.
Mismong ang Malacañang pa ang nag-anunsiyo sa mga hotline na puwedeng tawagan para mas mabilis na maaksiyonan ang mga tinamaan ng COVID-19, pero tila hindi nangyari ito.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Humingi naman po ng dispensa sa publiko si Health Undersecretary Leopoldo Vega na siyang hepe ng Command Center dahil sumasailalim aniya sila sa transitioning upang magkaroon ng fixed line na mas madaling tawagan ng mga nangangailangan ng tulong.

Inamin ng opisyal na mahirap tawagan ang mga linya nila mula sa Smart at Globe gayundin sa kanilang landline kaya kinailangan nilang magpalit ng linyang mas madaling tawagan na iaanunsiyo sa publiko sa mga susunod na araw.
Mayroon din akong personal na karanasan sa One Hospital Command Center pero naiintindihan po natin dahil sa dami ng mga dapat tugunan lalo na sa kasalukuyang sitwasyon ng Metro Manila at ilan pang lugar sa bansa dahil sa COVID-19.

Umaasa po tayo na kapag operational na ang bagong hotline ng One Hospital Command Center ay matugunan agad ang mga nangangailangan ng tulong dahil sa COVID at pati na ang non-COVID emergency cases para maisalba ang buhay.
Nangako naman si Usec Vega na ginagawa nila ang lahat para mas mapaganda ang pagseserbisyo lalo na ang mga nangangailangan ng agarang medical treatment sa mga ospital dahil pa rin sa pandemya.

Harinawa, matapos na ang problema sa COVID-19 para gumaan ang mga dinaranas na sakripisyo ng publiko lalo na ang mga nangangailangan ng atensiyong medikal .

Hindi man natugunan ng One Hospital Command Center ang isang kasong nangailangan ng agarang atensiyon ay napunan naman ito ng mga duktor na agad umaksiyon para madugtungan ang buhay ng isang nilalang.
Nais kong personal na pasalamatan sina Dr. Sam Zacate, Dr. Aileen Lacsamana, ang Director ng Ospital ng Sampaloc at ang aking kaibigang si Marou Pahati Sarne dahil kung hindi sa maagap nilang pagtulong, pag-aksiyon at koordinasyon ay hindi sana naisalba ang buhay ng isang kapus-palad na mamamayan.

Bahala na ang Diyos na gumanti sa inyong kabutihan at sana ay mas marami pa kayong kapuspalad na matulungan lalo na sa mga panahong walang katiyakan kung kailan matatapos ang sakripisyo ng sambayanan dahil sa dinaranas na pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.