Abante Tonite Interactive

Sablay si Tugade

463

Higit tatlong taon na sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte pero wala pa rin ang hinihingi niyang emergency power para maresolba ang matinding trapik sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa. Bakit nga ba hindi ito maibigay ng Senado at Kamara?

Wala naman talagang problema sa hinihinging emergency power ni Digong dahil madaling maibigay ito ng Senado kung tutuusin. Ang problema ay si DOTC Secretary Arthur Tugade dahil sa wala itong iprinisintang master plan para matapos na ang problema ng trapiko sa Metro Manila.

Sa nagdaang pagdinig ng Senate committee on public services, simple lang ang tanong ng maraming senador: “Nasaan ang master plan ninyo?” Pero walang maipakita si Tugade. Mabuti pa nga ang mga mag-aaral, laging may homework pero ang kalihim walang maipakita.

Sana maintindihan ni Tugade na hindi basta-basta magagawa ng senado ang hinihinging emergency power para sa Pangulo. Kailangan kasing himayin ito para maging komprehensibo ang panukalang batas na ipapasa ng senado. Nang huling magkaloob ng emergency power ang Kongreso sa panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos, pinasan ng mga electric consumer ang malaking presyo ng kuryente dahil garantisadong babayaran ang mga Independent Power Producer (IPP) kahit hindi magdeliver ng kuryente.

Related Posts

Ang rason kasi ng DOTr boss, kung may emergency power ay mapapabilis ang lahat ng mga proyekto para masolusyunan ang problema ng trapiko sa Metro Manila nang walang sagabal o court injunction. Kung tutuusin, sapat na ang kapangyarihan ng DOTr para masolusyunan ang problema sa trapiko lalo na sa Edsa.

Ngayon naman biglang sasabihin ng DOTr na hindi nila mandato ang usapin sa trapiko. Parang iwas-pusoy ang kanilang ginagawa kahit napakalinaw ng kanilang mandato na meron silang pakialam sa problema ng trapiko.

Kaya hindi nakapagtataka na may mga senador ang nananawagan ngayon sa pagbibitiw ni Tugade. Napakahaba na kasi ng tatlong taon para ayusin niya ang problema ng trapiko sa Metro Manila. Alangan naman si Pangulong Duterte pa ang gumawa ng solusyon sa problemang ito.