Abante Tonite Interactive

Sabungan owner 116 ulit binaril

640

Patay ang isang negosyante matapos tadtarin ng bala ng armalite ang sinasakyan nitong Sports Utility vehicle (SUV) ng hindi pa kilalang mga suspek na sakay sa puting van kahapon nang madaling-araw sa Tagbilaran City, Bohol.

Halos hindi na makilala ang biktimang si Ryan Sigue, 40, may-ari ng mga sabungan sa bayan ng Dauis at Loon dahil halos madisporma na ang mukha nito sa dami ng balang tumama sa kanyang ulo at katawan nang ratratin ng hindi pa kilalang mga suspek lulan ng puting van ang gray na Mitsubishi Expander ng biktima sa kahabaan ng Benigno Aquino Avenue.

Sa inisyal na imbestigasyon ni P/SSgt. Reniel Bibat, ng Tagbilaran City Police Station, alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente.

Sa salaysay ng mga residente ng lugar, hinabol umano ng puting van lulan ang mga armadong lalaki ang SUV ng biktima habang patuloy itong pinapuputukan hanggang sa bumangga ang sasakyan ni Sigue sa pader at doon ay walang tigil pa ring pinagbabaril ang biktima hanggang sa magsawa ang mga salarin.

Nakuha sa lugar ng insidente ang aabot sa 116 na basyong bala ng M16 armalite habang inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang.

Taong 2017 nang sugurin ng pulisya ang bahay ni Sigue sa bayan ng Dauis at nakakuha ang awtoridad ng mga hindi lisensyadong baril.

Inako naman ng kapatid ni Sigue, na kasama niya sa bahay, na sa kanya ang mga nakuhang hindi lisensyadong mga baril dahilan upang ito ang masampahan ng kaso. (Edwin Balasa)