Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sabungero tigok sa police raid

0 503

Humihingi ng hustisya ang pamilya ng isang mister na nabaril umano ng mga pulis na sumalakay sa isang iligal na tupada sa Tiaong, Quezon noong Linggo.

Nasawi dahil sa isang tama ng bala sa likod ang biktimang si Jaime Matira, 62, residente sa Brgy. Anastacia, Tiaong. Batay sa report mula sa pulisya, walang malay at duguan nang matagpuan ng kanyang anak si Matira sa gitna ng bukid sa Sityo Ilaya dakong alas-12:30 ng tanghali. Isinugod pa ito sa ospital subalit idineklarang patay na.

Ayon sa police report, hindi nakilala kung sino ang bumaril sa biktima. Subalit ayon sa mga kaanak nito, ang biktima ay isa sa mga nasa lugar ng tupada nang salakayin ito ng mga pulis.

Sa hiwalay na ulat ng Tiaong Police, sinalakay nito ang tupada sa Sityo Ilaya alas-11:50 ng tanghali at limang residente ng Brgy. Anastacia ang nahuli pero walang binanggit na nagkaroon ng putukan.

Batay naman sa mga testigo, nagsimulang magtakbuhan ang mga tao nang magpaputok ang mga pulis na nakasibilyan. Natagpuan ang biktima 500 metro lamang ang layo sa lugar ng tupada.

Sa isa pang kahiwalay na report ng Tiaong Police, halos kasabay na oras at kaparehong lugar, isang lalaki na kinilalang si Joel Yunun Resotay , 39, residente ng nasabing barangay ang naging biktima rin ng pamamaril habang nagpapastol ng baka sa bukid. Ginagamot pa ito sa ospital matapos magtamo ng tama sa kanang braso.

Napag-alaman na si Resotay ay kamag-anak ng nasawi at kasama rin sa sabungan. Isa rin umano ito sa nagbutaw ng manok bago ang raid.

Pinaiimbestigahan na ni Tiaong police chief P/Col. Dennis de Leon ang pangyayari. Sinibak na sa pwesto ang team leader ng operating team na si P/Cpt. Serafin Gapunuan at pito pang kasama nito. Isinasailalim sila paraffin test habang nagsagawa ng ballistic test para sa cross matching sa bala na tumama sa biktima. (Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.