Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sabwatan ng pulis at prosecutor

0 126

Isang palaisipan na kinakaharap ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng kanyang junta ng mga pasistang heneral na nagpapatakbo sa gobyerno: paano susupilin nang alinsunod sa batas ang mga mapayapa at ligal na organisasyong militante at aktibista na nagsusulong ng mga panawagan at hinaing ng mamamayan at nangunguna sa pagtuligsa sa administrasyon?

(Ating isantabi sa diskusyong ito mga paraang extra-ligal na ginamit ng mga nakaraang rehimen (tampok dito ang kay Arroyo) at nagpapatuloy sa kasalukuyan: ang extrajudicial killing ng mga aktibista sa direktang kamay ng mga tropa ng militar at pulis o sa pamamagitan ng mga death squad na pinamumunuan nila.)

Mula sa punto de bista ng administrasyon, masalimuot ang usaping ito. Paano nila mapapakulong ang mga indibidwal at grupo na nangunguna sa pagbatikos sa mga kalabisan ng administrasyong Duterte, sa kalagayang pawang ligal at protektado ng konstisusyon ang kanilang mga gawain? Gayong ligal ang pagrali, pagwelga, paglabas ng mga matalas na pahayag? Paano nila gagawing iligal ang ligal?

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang kanilang solusyon: kung hindi mahanapan ng kaso ang mga aktibista dahil pawang ligal at alinsunod sa batas ang kanilang kilos at gaw, aba’y sampahan sila ng gawa-gawang kaso! Tumampok ang taktikang ito sa huling bahagi ng rehimeng Arroyo. Noong 2008, nag-isyu ng mga warrants of arrest ang ilang lokal na korte para sa 72 prominenteng aktibista sa iba’t ibang probinsya ng rehiyong Southern Tagalog. Kabilang sa mga kaso ang multiple murder, frustrated murder, at arson, kaugnay sa ambush at iba pang aksyon na isinagawa umano ng New People’s Army. Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, tampok na halimbawa nito ang pagsampa ng gawa-gawang kasong kidnapping, robbery, atbp. laban sa 468 indibidwal, kabilang ang mahigit-kumulang sa 200 aktibista mula sa iba’t ibang probinsya ng Mindanao, dahil umano sa paglahok nila sa isang pagsalakay sa mga pulis ng Sibagat, Agusan del Sur noong 2018.

Karaniwang padron ng ganitong modus ang pagsalalay ng pulis sa testimonya ng isa o ilang eyewitness, na magsasabi na nakita nilang kasama o kalahok sa pagsalakay ng NPA ang mahabang listahan ng mga kilalalang aktibista. Maraming bilanggong pulitikal na kasalakuyang nakapiit ang hinuli batay sa ganitong tipo ng kaso.

Susi sa tagumpay ng ganitong moda ng panggigipit sa mga ligal na aktibista ang sabwatan ng pulis at prosecutor ng Department of Justice. Sa mata ng ordinaryong tao na may matinong pag-iisip, hindi kapanipaniwala ang pagdawit ng testigo sa mga aktibista na nagmula sa iba’t ibang sulok ng kapuluan (ang ilan, may regular na trabaho pa nga, halimbawa, public school teacher o empleyado ng DSWD), ngunit lumahok umano sa ambush na naganap sa ibang probinsya. Gayunman, may prosecutor ng DOJ na magdedeklarang may “probable cause,” ihahain ang gawa-gawang korte, na maglalabas ng warrant, at magreresulta sa paghuli at matagal na pagpapakulong sa mga aktibista.

Sa susunod, atin namang tatalakayin ang sabwatan ng pulis at hukom.

Leave A Reply

Your email address will not be published.