Abante Tonite Interactive

SADISTA-BRUTAL!

By , ,
12

Pabrutal na nang pabrutal ang kamatayang inaabot ng mga inililigpit dahil sa pagkakasangkot sa iligal na droga sa bansa.

Ganito ang sinapit ni Leonardo Beltran, 35-anyos, umano’y tulak ng iligal na droga at kilala ring holdaper at ga­lamay ng akyat-bahay sa kanilang lugar sa Brgy. Talon Uno sa Las Piñas City nang matagpuan kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng Southland Drive, Brgy. Talon Uno, Las Piñas City.

Ang biktima ayon sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya ay natagpuang tadtad ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Pero ang nakagulantang sa mga awtoridad na nag-imbestiga sa kaso ay ang halos paghiwalay ng ulo sa katawan ng biktima dahil sa ginawang paglaslas sa leeg nito.

Bukod sa halos ataduhin ito ng hindi pa nakikilalang mga salarin na pinaniniwalaang mga vigilante na humahatol sa mga pasaway na sangkot sa iligal na droga ay mayroon pang nakasabit na karatula dito na nakasulat ang mga katagang “ADIK, HOLDAPER, AKYAT BAHAY AKO, WAG TULARAN.”

Napag-alaman din sa isinagawang pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives na narekober sa bangkay ng biktima ang isang maliit na plastic na naglalaman ng limang plastic sachet ng hinihinalang shabu.

Nabatid din na si Beltran ay nasa drugs watchlist ng Las Piñas City Police .

Ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes habang wala pang mga kaanak nito ang lumulutang.

Sa Makati City naman ay isa ring lalake ang brutal na pinaslang matapos itong matagpuang nakabalot sa isang kulay itim na plastic bag at may nakakabit pang karatula kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Ayon kay SPO3 Jayson David, ng Homicide Section, Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), Makati City Police, nagtamo ng ilang tama ng saksak sa dibdib at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na tinatayang nasa edad na 30 hanggang 35-anyos, nakasuot ng kulay itim na sando at short, miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik Gang dahil sa tattoo nito.

May karatulang nakalagay sa katawan ng biktima na may nakasulat na “Tulak at Snatcher, ako huwag tularan”.

Posibleng dumanas ng matinding torture ang hindi pa nakikilalang biktima, dahil nakatali ang mga kamay at paa nito, na nakabalot ng masking tape at nakalagay ito sa isang kulay itim na garbage plastic.

Lumalabas sa inis­yal na imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-tres ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ng biktima ng ilang resi­dente sa panulukan ng P. Binay at Faraday Sts., Brgy. San Isidro ng natu­rang lungsod.