Abante Tonite Interactive

Safe ba ang glutathione?

534

Isa sa ating tagapagsubaybay ay nagtatanong, “Doc, ok ba ang magpa-drip ng glutathione sa parlor sa tabi namin? Para saan ba ito at safe po ba ‘yan?” Dalawang aspeto ang tanong niya. Ano nga ba ang glutathione, para saan ito, at puwede bang gawin sa lugar na hindi aprubado ng PhilHealth o DOH, at kailangan din malaman kung ang mismong giinagamit ay sang-ayon din sa BFAD.

Ang glutathione ay isang antioxidant na nagagawa sa atay natin kung saan nilalabanan ang mga toxins na nububuo dahil sa a­ting mga kinakain, ginagawa, at pati na dahil sa ating kapaligiran. Ang mga toxins ay tinatawag na reactive oxygen species na siyang nagi­ging free radicals na nakakasama sa ating katawan. Ang glutathione ay isang tripeptide na nabubuo sa pamamagitan ng carboxyl, glutamate, at cysteine. Ito ang kinakailangan upang tuluyang mawala sa ating katawan ang mga free radicals. Kung hindi matatanggal ang mga toxins, maaaring maging sanhi ng mga sakit at komplikasyon ang mga ito. Ang glutathione ay mataas sa mga gulay, lalo na sa mga cruci­ferous vegetables tulad ng broccoli, cauliflower, repolyo, at brussel sprouts. Makikita rin sa aspa­ragus, patatas, sili, carrots, a­vocado, kalabasa, spinach, at melon.

Ang paraan para na­tural nating pataasin ang glutathione sa katawan ay sa pagkain ng mga nabanggit natin. Ang ilan pa ay ang pag-inom ng vitamin C, sylimarine, turmeric, at higit sa lahat ay makapagpahinga at makakuha ng sapat na tulog. Kung kinakailangan, maaari rin mag-supplement ng gluta­thione. Maaari itong inumin, iineksyon sa laman o sa ugat, na tinatawag na drip.

Ngunit kadalasan, hindi para sa atay ang ninanais na magsupplement ng glutathione kundi ang kumplikasyon nito. Naaapektohan ang me­lanin pigments na siyang nagbibigay ng kulay sa balat natin kaya pumuputi tayo.

Kung nais na magpaineksyon o i-drip, pakiusap ko lang ay sa clinic o ospital gawin upang makasiguro na ito ay naaayon sa rekomendasyon ng doctor. Alam niyo ba na ang pagtusok sa katawan ng karayom ay nauuri bilang surgical procedure at may nararapat na training sa mga magbibigay nito?

Maliban dito, lahat ng ibibigay, ilalagay, o paiinumin sa inyo ay dapat BFAD approved para nakasisiguro kayo na safe, tama ang dosage, at nilalaman.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Me­dical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Ka­kabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gami­tin ang hashtag na #docquestion at Face­book sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.