Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Safe ba ang mga bangko sa cyber robber?

0 109

Alam ba ninyo mga tropapips na isang bangko sa Pilipinas ang natangayan ng P167 milyon ng mga kawatang “techie” o iyong mga mahuhusay sa modernong teknolohiya o computer. Kaya hindi maiwasan ng kurimaw natin na sa alkansiya nag-iipon ng barya na magtanong kung gaano kaya ka-safe ang mga bangko natin at iba pang electronic system na may transaksiyon sa pera?

Pero bago ‘yan, natutuwa ang mga tropapips natin na napansin ng Department of Education ang kahalagahan na mapangalagaan ang mga “mata” ng mga bata sa online schooling. Kung matatandaan ninyo, binanggit natin sa ating pitak ang pangamba ng ilan nating katropa tungkol sa “screen time” o tagal ng mga bata sa pagkakababad sa computer at gadgets kapag nagkaklase.

May mga pag-aaral na kasi noon na nagsasabing makasasama sa mata at maging sa pag-uugali ng mga bata, lalo na ang paslit at elementarya pa lang, kung inaabot sila ng ilang oras na nakatitig sa gadgets tulad ng tablet o cellphone.

Bagaman sa Oktubre 5 pa ang simula ng klase sa mga pampublikong paaralan [pero sa bahay ang “pasok”], marami naman sa mga pribadong paaralan ang nakapagsimula na. At doon nga napansin ng ilang magulang na tila nabababad masyado ang kanilang mga anak sa internet dahil sa online class.

Ang isa nating katropa na Grade 9 student ang anak, sinabing tig-dalawang oras ang online class sa bawat subject ng anak. Tatlo ang subject ng bata o anim na oras sa isang araw. Sa bawat subject, may tig-30 minuto raw na “break,” at may 15 minuto ring break sa pagitan ng dalawang oras na subject. Hindi na masama para sa tinedyer ang ganitong oras sa computer pero mas maganda kung maisisingit nila ang sinasabing “20-20-20” rule. Ito yung titigil sa pagtingin sa computer tuwing ika-20 minuto, titingin sa anumang bagay na hanggang 20 feet ang layo, at tatagal ang tingin doon ng hanggang 20 segundo.

Batay sa ulat, nakasaad sa Department Memo ng DepEd, na isang oras lang dapat ang screen time sa mga kindergarten pupil; isa’t kalahating oras naman sa mga Grade 1 hanggang 5; at dalawang oras naman sa Grade 6-8; at maximum na apat na oras sa Grade 9-12.

Kung ipatutupad din ang memo na ito ng DepEd maging sa mga private school, lumalabas na sobra pa ng dalawang oras ang screen time ng anak na katropa natin. Pero siguro depende rin sa bawat subject sa isang araw o kailangan lang dagdagan ang break time para mapahinga ang mata ng mga bata.
Balik na tayo sa “cyber robbers.” Ang tinutukoy natin bangko mga tropapips ay ang United Coconut Planters Bank (UCPB), na pinapatakbo pa man din ng gobyerno. Batay sa lumabas na ulat, noong Hunyo pa nangyari ang insidente at hindi kaagad ipinaalam sa publiko. Pero kamakailan lang ay inamin na ng isang opisyal ng UCPB ang insidente.

Nagkaroon daw ng pagkakataon na makaatake ang mga hacker nang magpalit ng security system ang bangko. Ang ginawa ng mga cyber robbers, nagawa nilang dagdagan ang laman na pera sa ilang accounts at pagkatapos ay nai-withdraw ng mga kolokoy. Grupo umano ng mga Nigerian na may kasabwat na mga Pinoy ang pinapaniwalaang nasa likod nito.

Dahil sa insidente, iniutos ni Finance Secretary Carlos Dominguez, sa mga bangkong pinamahalaan ng gobyerno [kasama ang Land Bank at Development Bank of the Philippines (DBP)], na pag-ibayuhin ang IT security nila at maging ng iba pang government financial institutions (GFI). Dapat din sigurong magbigay ng katulad na utos ang Bangko Sentral ng Pilipinas para sa iba pang mga bangko.

Eh papaano naman kaya ang mga remittance center at mga may money transfer system? Gaano kaya kaligtas ang mga pera ng tao sa kanilang tinatawag na e-wallet na nauuso ngayon lalo na sa panahon ng pandemic para iwas hawahan ng virus sa pera? Hindi kaya makuha ng “e-pickpocket” ang mga laman sa e-wallet? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.