Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sagabal si Pacman kay Sara?

0 39

Pulutan ng mga tomador nating kurimaw ang nangyayari sa PDP-Laban. May naghihinala na “moro-moro” o kunwari lang na pinag-iinitan ng administrasyon si Senador Manny Pacquiao. Pero mas gusto ko yatang maniwala na totoong gustong alisin sa ring ng 2022 presidential elections ang Pambansang Kamao dahil kay Davao City Mayor Sara Duterte.

Ang mga naniniwala na moro-moro lang ang ginagawang pagkawawa kay Pacquiao sa PDP-Laban eh dahil sa kilalang dikit na kaalyado ng administrasyon ang senador.

Baka raw gawing “secret” candidate ng administrasyon si Pacquiao. Kumbaga, aasarin at kakawawain para makakuha ng simpatiya sa publiko. Para kapag nanalo siyang presidente sa 2022, bitbit pa rin niya ang mga opisyal ng kasalukuyang administrasyon.

Sa ngayon, pinatalsik si Pacquiao bilang acting president ng PDP-Laban, na itinayo nina dating senador Nene Pimentel at Ninoy Aquino noong panahon ng administrasyong Marcos.

Kampi kay Pacquiao ang anak ni Nene na si Sen. Koko Pimentel, na lider din ng PDP-Laban. Ang kaso, baka pati ang anak ng nagtatag ng partido eh masipa sa lapian matapos mahalal si Energy Secretary Alfonso Cusi, bilang kapalit sa puwesto ni Pacman.

Ang tingin naman ng mga tomador nating kurimaw na feeling political “ana-lashing,” este analyst, talagang nais pahirapan ng ibang kaalyado ng administrasyon si Pacman para hindi na tumakbong pangulo sa 2022, at sa halip ay balik-senador na lang.

Hinala nila, makakabawas ng boto si Pacman kung tutuloy naman sa pagtakbong pangulo si Mayor Sara. Ang dahilan, pareho silang taga-Mindanao at makakahatak din ng boto ng masa ang boksingerong dating panadero ng GenSan.

Nang suriin natin mga tropapips ang pinakahuling survey ng Pulse Asia para sa mga posibleng maging kandidato sa panguluhan sa 2022, aba’y parang may tama ang mga kurimaw natin na naniniwalang magiging sagabal si Pacman kay Mayor Sara.

Batay sa naturang survey na ginawa noong June 7-16, 2021, nanguna si Mayor Sara na may 28%, at kasunod sina Manila Mayor Isko Moreno (14%), Bongbong Marcos (13%), Sen. Grace Poe (10%) at panglima si Pacman (8%).

Nasa listahan din sina VP Leni Robredo (6%), Sen. Ping Lacson (4%), Sen. Bong Go (3%), dating VP Jojo Binay (2%), Congressman Alan Cayetano (2%) at dating Sen. Antonio Trillanes (2%).

Sa suporta na mula sa Mindanao, may pinakamaraming nakuha si Mayor Sara (62%), at pangalawa na si Pacman (10%). Ang ibang pangalan, single digit lang.

Kahit malayo ang agwat nila Mayor Sara at Pacman, may posibilidad na tumaas ang makuha ng dating tagamasa ng harina kapag sigurado na ang pagtakbo niyang pangulo. At kung mangyayari iyon, sino sa palagay niya ang mababawasan sa Mindanao?

Huwag ding kalimutan si Mayor Isko na kung tatakbong pangulo, malamang na makakuha siya ng suporta sa Mindanao kapag nalaman nilang nagpagawa ang alkalde ng Muslim cemetery sa Maynila.

Bukod sa suporta sa Mindanao, si Mayor Sara din ang nakakuha ng pinakamaraming suporta mula sa Class E o masa, na 40%. Sunod sa kaniya sina Sen. Poe (12%) at Mayor Isko ( 11%), at pangatlo si Pacman (8%).

Kapag umarangkada na ang kampanya at mga campaign ads na magpapakita ng malasakit ng ibang kandidato sa mga mahihirap, malamang na matapyasan din ng suporta mula sa Class E si Mayor Sara. At kabilang sa mga posibleng makikinabang diyan eh sina Pacman at si Isko, na dating namumulot basura at kumakain ng “pagpag.”

Kung tama ang ating mga kurimaw, aba’y advance mag-isip ang ilang taga-administrasyon kung sino ang puwedeng makahati ng manok nila sa boto. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.