Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sagasa

0 118

Tumambad sa balita nitong Martes ang hindi inaasahang pagpasa sa ikalawang pagbasa ng Kamara sa panukalang PhP 4.5 trilyong pambansang budget ng 2021. Sa kalagitnaan ng deliberasyon sa plenaryo, na nakatakdang magpatuloy hanggang sa Oktubre 14, itinigil ang pagkuwestiyon ng mga representante sa budget ng Department of the Environment and Natural Resources, na nakasalang noon, upang makapagtalumpati si Speaker Alan Peter Cayetano. Inanunsiyo niya ang kanyang kagustuhang wakasan ang deliberasyon kaugnay sa budget at itinulak na kagyat na aprubahan na ito. Mabilis na kumilos ang kanyang mga galamay, at sa loob ng ilang minuto, sa kabila ng pagtutol ng ilan (na madaling patahimikin sa pamamagitan ng pag-mute sa kanila sa Zoom session) tinapos ang debate, naisagawa ang boto para aprubahan ang budget, at sinuspinde ang sesyon ng Kamara hanggang sa Nobyembre 16.

Walang kapareho ang ganitong kilos ni Cayetano bilang Speaker. Madalas na ginagamit ang katagang “railroading” para sa madaliang pagpasa ng Kamara, partikular sa mga priority bills ng Palasyo. Ngunit nasa ibang antas ang ginawang pagsagasa sa sariling alituntunin mismo ng Kamara kaugnay sa proseso ng paghain, pag-sponsor, at pagdebate sa panukalang budget; pagbasura sa nakatakdang skedyul ng presentasyon at paghimay sa badyet ng mga susing ahensya, tulad ng DOH, Deped, DSWD, CHED at State Universities and Colleges, DPWH, at DOTr.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Bakit ginawa ito ni Cayetano? Walang duda na pakikipagtunggali niya kay Marinduque Rep. Lord Allan Velasco para sa posisyon ng Speaker ang nasa likod nito. Matagal nang nagpapahiwatig si Cayetano na nais niyang manatili sa puwesto sa kabila ng “15-21” term-sharing agreement na inareglo ni Duterte, na nagsasaad na hahalili sa kanya si Velasco matapos ang 15 buwan ng pag-upo ni Cayetano bilang pinuno ng Kamara. Nagkabuwelo ang pag-angkin ni Velasco sa trono nang ipinahayag ni Duterte kamakailan na nais niyang ipatupad ang napagkasunduang term-sharing, at itinakda ang turn-over ng pagka-Speaker sa Oktubre 14, ang huling araw ng sesyon bago mag-recess ang Kongreso, alinsunod sa kalendaryo nito. Sa kasalukuyang hanayan ng mga bloke sa hanay ng “supermajority,” nasa kampo ni Velasco ang kanyang partidong PDP, ang NPC (partido ng bilyonaryong si Ramon Ang), at ang kalakhan ng Partylist Coalition. Samantala, na kay Cayetano ang kanyang mga kapartido sa NP (na partido ng bilyonaryong si Villar) at NUP (partido ng bilyonaryong si Razon). Nananatili pa rin sa kanya ang partidong Lakas (partido nina Marcos at Arroyo). Malinaw na layunin ng biglaang pag-apruba sa panukalang budget at pagsuspinde ng sesyon hanggang Nobyembre ang pagkait kay Velasco ng pagkakataong makatipon pa ng dagdag na bilang ng mga tagasuporta upang maselyohan ang pagluklok niya sa trono ng Speaker sa Oktubre 14, alinsunod sa kasunduan. Sa bahagi ni Cayetano, tahasan ang pagsuway niya sa binitiwang salita ni Duterte, ngunit pambawi niya ang minadaling paglusot ng buong badyet ng Malacanang sa Kamara.

Nararapat ang sukdulang pagkondena sa pagmaniobra ni Cayetano upang ratsadahin ang pagpasa sa badyet ni Duterte na naglalaan ng higit na pondo sa panunupil, pumapabor sa mga dahuyan at lokal na malaking negosyo, at namumutiktik sa pork barrel na pinagmumulan ng katiwalian. Sinagasaan ang proseso sa ngalan ng pagpapanatili sa puwesto.

Leave A Reply

Your email address will not be published.