Sinalba ni Nicole Pelaez sa bingit ng panganib ang walang talong University of Santo Tomas kontra One La Salle, 25-17, 25-22, upang umabante sa semifinals ng 4th Shakey’s Juniors National Invitationals nitong Miyerkoles sa Playtime FilOil Arena sa San Juan.
Tinagpas ng Junior Tigresses ang matinding balikwas ng OLS sa second set upang masakote ang ikaapat na ratsada sa gayung daming salang, tumapak sa Final Four ng torneo na mga suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner, at R and B Milk Tea.
Kinayod ni Pelaez ang 10 sa kanyang game-high na 12 points sa mga atake upang pamunuan ang kasalukuyang kampeon ng Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1.
“Napakahirap dahil nahihirapan kami sa ikalawang set lalo na’t marami kaming errors. Pero naka-adjust naman po,” lasad niya, na nagdagdag ng dalawang blocks na may tatlong digs sa 55 minutong hambalusan.
Naputol naman ang tatlong sunod na panalo ng La Salle upang bumaba sa 3-2 panalo-talo na rekord. Bitin ang pitong puntos na team-high n ani Aislyn Alemana para sa OLS. (Lito Oredo)











