Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sakit ng ulo ilang ro-ro na biyaheng Romblon

0 114

Mainit ang galawan ng mga turista sa mga lokal na pasyalan kaya naman unti-unti na ring sumisigla ang sector ng transportasyon na tipikal na ginagamit ng mga ito sa kanilang paggala sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

At bilang bansa na kinapapalooban ng sandamukal na isla at mga mga kapuluan, ang ro-ro o roll-on roll-off vessels na siyang nagsisilbing tagahatid ng mga pasahero at sasakyan, dambuhala man o bulinggit sa mga lugar na puwedeng puntahan ang isa sa pinakapopular.

Ang Romblon lalo na ang isla ng Tablas ay kabilang sa mga nakikinabang sa serbisyo ng mga ro-ro dahil sa pagiging puntahin ng mga turista at mga negosyante kaya umabot na sa 3 beses ang biyahe maghapon, pitong beses sa isang linggo sa lugar na ito.

Tatlong kumpanya ng roro na kinabibilangan ng 2Go Travel, Starlite Ferries at Montenegro Shipping Lines ang me biyahe sa Tablas, kung saan, lahat ng mga ito ay nagmumula sa Port of Batangas sa Batangas City patungo ng Port of Poctoy sa bayan ng Odiongan at diretso na sa ibang destinasyon.

Lahat halos ng mga barko na ginagamit ng mga kumpanyang ito ay nasakyan ko na bilang tubong Odiongan na maya’t maya ay dumadalaw nagkakaedad nang nanay at nakakabatang kapatid na mas piniling doon magtayo ng Negosyo.

Noong mga unang taon ng biyahe ng 2Go travel, masasabi kong sila ang may pinakamahusay na schedule, accommodation at maging sa bilis ng paglalayag pero kalaunan, nasira ang reputasyon na ito hanggang sa tuluyan nang bumagsak, at ngayon, halos hindi na sila tinatangkilik ng mga taga-Tablas o kahit pa ng mga taga Romblon, Romblon na kasama din sa kanilang ruta.

Ang Starlite Ferries ang pinakabagong pumasok sa ruta ng Odiongan-Batangas kaya marami ang umasa na sila ay magpapakitang-gilas sa pamamagitan ng mas maayos na akomodasyon at mas mabilis na paglalayag.

Pero baligtad ang nangyayari, lalo na kung ang pag-uusapan ay ang barkong SWM Salve Regina na sa halip na ginhawa ay perhuwisyo ang dulot sa pasahero.

Isang halimbawa lamang nito ay ang pinakahuli kong pagsakay sa barkong ito noong nakalipas na
Biyernes ala-una ng hapon mula Odiongan patungo ng Batangas.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Bago magsakay ng mga pasahero at trucking sa Poctoy Port ay nanggaling muna ito sa Caticlan sa Malay, Aklan kaya pagdating sa amin, mayroon na itong mga sakay na pasahero at mga sasakyan.

Walang masyadong pasahero ang barko at katunayan aalog alog pa rin kami nang umalis sa Odiongan patungo sa Batangas.
Pero ang hindi ko inaasahan ay nang isiksik kaming lahat ng mga pasahero, pinagsama na ang galing Caticlan at Odiongan sa iisang kuwarto lamang.

Maraming lugar ang SWM Salve Regina para sa mga pasahero, katunayan, ang kinuha kong accommodation ay recliner seats lamang na matatagpuan sa pinakataas na bahagi ng barko, pero hindi na ako pinatuloy doon at isinama sa mga nasa tourist accommodation kaya mistulang nalagay kaming lahat sa alanganin kung ang pag-uusapan ay ang COVID-19 bagamat sa situwasyon ko ay nakakatiyak akong di ako madadale dahil dalawang beses na akong nagpaturok ng booster.

Bakante ang maraming kuwarto, pero isiniksik kami sa isang lugar lamang at nagsama-sama kaming lahat sa loob ng halos sampung oras na paglalayag dahil pagdating sa Batangas port at hindi ito agad dumaong.

Kung ikukumpara ko ang akomodasyon ng 2go at Starlite Ferries na ibinabalitang magkasosyo sa isa’t isa ay masasabi ko sigurong mas pagtitiyagaan ko na ang barkong MV Reina Del Rosario ng Montenegro Lines.

Dati ay halos ayoko ring sumakay dito dahil noong unang ito ay pinaglayag, natapat sa kasikatan ng mga barko ng 2Go kaya hindi naging maganda ang impresyon sa kanya.

Pero dahil sa tawag ng kompetisyon, inayos ng may-ari ang MV Reina Del Rosario at ngayon, sa rutang Batangas-Odiongan ay siya na siguro ang may pinakamagandang akomodasyon at mahusay na bilis sa paglalayag.

Handa po tayong ilathala ang mga magiging tugon ng mga kumpanyang ito sa aking mga nabanggit, sakali mang gusto nilang maglabas ng kanilang panig.

Leave A Reply

Your email address will not be published.