Abante Tonite Interactive

Saksak sa likod

334

Ano po kaya ibig sabihin ng panaginip ko na nakaluhod ako at umiiyak habang nagmamakaawa na ‘wag saktan ang papa ko.

Sa aking panaginip, isa sa mga tito ko na kapatid mismo ng aking papa ang dumating at umakyat sa bubong kung saan naroon ang aking papa. Nakita kong binunot ng tito ko ang screwdriver sa kanyang short at sinaksak sa likod si papa. Sisigaw sana ako pero nagising na ako.

Maraming salamat po sa kasagutan.
Miss Juvilyn

May dalawang simbolismo sa iyong panaginip: ang iyong pamilya—papa mo at tito mo at ang pananaksak sa likod.

Sa iyong panaginip, sinasak sa likod ang iyong papa. Ang saksak sa likod ay sumisimbolo sa betrayal o pagtatraydor. Ang iyong panaginip ay indikasyon na sa anumang sitwasyong pinagdaraanan mo sa kasalukuyan o maaaring napagdaanan mo na ay sangkot ang isang pagtatraydor.

Tanungin ang iyong sarili. Pag-aralan ang iyong sitwasyon. Sino ang nagtatraydor? Sino ang tinatraydor? Meron bang taong hindi nakatupad sa ipinangako sa iyo? Meron bang taong malapit sa iyo na naging dahilan para masaktan ka. Ang pagtatraydor ay maaaring masyadong personal tulad ng isang relasyon: boyfriend-girlfriend, bestfriend, asawa at iba pang malapit na relasyon.

Related Posts

Kung merong ganitong sitwasyon sa buhay mo o pinagdaanan mong sitwasyon, dito maikokonek ang unang simbolismo sa iyong panaginip: ang pana­naksak sa likod.

Ang ikalawang simbolismo ay pamil­ya. Hindi puwedeng ituring na pangitain ang iyong panaginip. Hindi naman ito nangangahulugan na may mangyayaring masama sa iyong ama. Hindi rin naman masasabi na may masamang binabalak ang iyong tito sa iyong ama.

Ang pamilya sa panaginip ay sumisimbolo sa security, pagmamahal, proteksyon. Ang iyong ama at ang iyong tito ay parehong representasyon lamang. Dahil masyadong personal ang koneksyon mo kapag pamilya ang pinag-uusapan, maaaring ang sinasaktan o tinatraydor ay ikaw mismo. At ang nagtatraydor ay isang taong malapit sa iyong puso.

Pero depende pa rin ito sa tunay mong sitwasyon. Kung sa aktuwal na buhay ay meron talagang gap sa iyong ama at sa kanyang mga kapatid, puwedeng narito ang koneksyon ng iyong panaginip. Kung may bitterness, pagseselos o rivalry sa pamilya ng iyong ama at kung malamig ang kanilang relasyon, dito nagmula ang pagtatraydor na naging punto ng iyong panaginip.

Sa kabuuan dahil ikaw ang tanging nakakaalam ng iyong buhay, ikaw pa rin ang makakatukoy kung saan mo puwedeng ikonek ang iyong panaginip.
Dream Catcher

DISCLAIMER: Ang DREAM CAT­CHER ay nagbibigay lamang ng ge­neral information tungkol sa mga kahulugan ng ating panaginip. Wala itong kinalaman sa relihiyon, kulto o anumang ispiritwal na aspeto ng buhay. Sa mga gustong isangguni ang kanilang panaginip, mag-email sa abantedreamcatcher@gmail.com.