Abante Tonite Interactive

Saku-sakong basura at toxic wastes, nakolekta ng BJMP sa Manila Bay

By
214

Saku-sakong mga basura at toxic wastes ang nakolekta sa Manila Bay ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) National Capital Region (NCR) sa ilalim ng pangangasiwa ni Jail Chief Supt. Ignacio S. Panti.

Ito ay matapos na mas paigtingin pa ng BJMP-NCR ang layunin ng kagawaran upang maipaabot sa komunidad ang kanilang serbisyo publiko.

“The region is deemed to both serve the Persons Deprived of Liberty and to be of service to the community, as well,” ayon kay CSupt. Panti.

Sa patuloy na pagnanais ng kagawaran na maabot ang kanilang obligasyon, pinangunahan ng BJMP official ang pagsasagawa ng ‘Clean-Up Drive activity’ sa Manila Bay, Roxas Boulevard, Manila City nitong February 16, 2019. Ito ay upang makatulong umano sila sa isinasagawang rehabilitasyon ng pamahalaan sa Manila Bay.

Katuwang ni CSupt. Panti ang kaniyang mga division heads, chiefs of offices, wardens at iba pang unit personnel, sa isinagawang ‘massive clearing operation’ sa baybayin ng Manila Bay.

Sa kalahating araw na paglilinis ay nakakolekta ang kagawaran ng maraming sako ng basura at iba pang toxic wastes mula sa pampang ng karagatan.

Magugunitang nakiisa ang pamunuan ng BJMP NCR sa ‘Kick-off ceremony’ ng Manila Bay Rehabilitation Program na may tinaguriang “Battle for Manila Bay” nitong January 27, 2019.

Ang makasaysayang event ay nakiisa ang 12 government agencies na inatasan ng Supreme Court na ibalik ang sigla at ganda ng ‘world’s renowned and historic place.’