Abante Tonite Interactive

Salamat at pinahalagahan ang nagawa ng ‘One Botolan’

277

Jeane Lacorte

Nagsalita ang mga balota at marami nang idineklarang wagi sa katatapos na halalan.

Unang-una rito ang tiket nina incumbent Mayor Bing Maniquiz at Doris Daria-Ladines sa ilalim ng ‘One Botolan’.

Hindi rin siyempre nagpahuli sa puso ng mga botante ng bayan ng Botolan sa lalawigan ng Zambales ang bagong sabak sa politika na si Angel Balangon-Diesta na award winning production designer sa mga pelikula at teleserye na pumangalawa sa hanay ng mga tumakbong Sangguniang Bayan.

Winner na winner ang ‘One Botolan’ ni Mayor Bing dahil mil-ya-milya ang lamang nila sa katunggali.

Sabagay naman kung may nakita ka namang magaganda sa iyong bayan na nagawa ng kasalukuyang administrasyon, aba’y hindi mo na sasayangin ang boto mo sa ibang kandidatong wala pa namang napatunayan.

Hindi na kailangang sumugal pa sa iba kung pag-uusapan ang dami ng magagandang nagawa para sa bayan ng Botolan ni Mayor Maniquiz na nasa ikatlong termino na.

Sa totoo lang mahihiya ang mga taga-Metro Manila sa ganda ng gymnasium ng Botolan.

Kaya nga napapa-nganga at nalulula ang karamihan sa mga bumisita sa bayan ng Botolan nitong summer dahil sa laki ng ipinatayong gymnasium ni Mayor Maniquiz para sa kapakinabangan ng mga mamamayan ng Botolan.

Kung may nagawang mabuti ang pamunuan ni Mayor Bing sa kanyang dalawang termino, tiyak akong marami pa siyang nakalinyang mga proyekto at programa na tutulong para sa ikauunlad ng buhay ng bawat Botoleno sa kanyang huling termino.

Malaking tulong din siyempre ang magagawa ni SB Angel Diesta para lalo lang umangat ang bayan ng Botolan sa usapin ng turismo.

Noong hindi pa Sangguniang Bayan si Angel ay nagawa niyang maibenta ang magagandang tanawin at beaches sa Botolan, tiyak ako na iigting pa ang kanyang pagkilos para sumigla ang turismo ng Botolan upang sa gayon ay mas maraming turista at trabaho itong lilikhain para sa mga mamamayan ng nasabing bayan.

Kaya kudos sa iba pang bumubuo ng tiket ng ‘One Botolan’ na kinabibila- ngan nina sangguniang bayan Atty. Edmund Perez, Amor Caasi, Doc Nandy Igrobay, Nick Manzo, Aris Lingat, Botong Jaring at Glenn Cano-nizado Manangan.