Abante Tonite Interactive

Salamat balik-women’s cycling team

249

Nagbabalik ang pa­ngunahing babaeng ­rider ng Pilipinas na si Marella Vania Salamat sa national team.

Ito ang kinumpirma mismo ng magtatapos ng kursong dentistry sa University of the East na si Salamat.

Sinabi niyang sigurado na siya na magbabalik at hindi makaka­apekto ang kanyang pag-aaral sa kanyang nalalapit na partisipasyon sa isasagawa sa bansa na 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-Dis­yembre 11.

Hangad ni Salamat na maduplika ang kanyang naitala sa 2015 SEA Games sa Singapore kung saan nakagawa ng kasaysayan bilang unang national lady ri­der na nagwagi sa Individual Time Trial.

Inihayag ni Sa­lamat na matapos ang limang buwan na pahi­nga upang kumpletuhin ang kanyang pag-aaral na naging sanhi upang hindi siya makasali sa nakaraang taon na 18th Asian Games sa Indonesia, siya ay nasa pinakamagandang pisikal na kondisyon sa ngayon.

“I have been in ­rigid training since last month,” sabi ni Sala­mat kung saan kasama nito sa pag-eensayo sina Irish Wong, Genesis Marana, Marianne Dacumos, Rica Molina, Kin Nicole Obel at Jamaeca Cruz Arana.

Madalas na nagti-training ang koponan sa parting Norte kung saan tinatahak nito ang mga lugar ng Panga­sinan, Baguio, La Union at Subic.

Kasalukuyang nag-eensayo ang koponan sa Batangas para sa hu­ling bahagi ng kanilang pagsasanay bago lumahok sa internasyonal na karera sa Vietnam at 2-3 iba pa bago mag-SEAG.